|
Agosto
1
Biyernes
Ika-17
Linggo ng Taon
Alfonso Maria ng Liguori
Unang
Pagbasa: Jer 26:1-9
Ebanghelyo:
Mt 13:54-58
Pumunta si Jesus sa kanyang bayan at nagturo sa mga tao sa kanilang sinagoga.
Namangha silang lahat at nagsabi: "Saan kaya galing ang kanyang karunungan
at natatanging kapangyarihan? Di ba't siya ang anak ng karpintero? Di
ba't si Maria ang kanyang ina at sina Jaime, Jose, Simon at Judas ang
kanyang mga kapatid? Hindi ba't narito sa piling natin ang lahat niyang
kapatid na babae? Ano't nangyari sa kanya ang lahat ng ito?" At bulag
sila tungkol sa kanya.
Sinabi naman sa kanila ni Jesus: "Sa kanyang sariling bayan lamang
at sambahayan hinahamak ang propeta." At kaunti lamang ang ginawa
niyang himala roon sapagkat kulang sila sa pananampalataya.
Pagninilay-nilay
Hindi makapaniwala ang kanyang mga kamag-anak dahil makulit
siya at tamad mag-aral noong bata pa-mas gusto pa niya ang magpastol ng
kalabaw kaysa mag-aral. At nang nasa hayskul na, mas marami pa ang araw
na absent siya pero nakapagtapos pa rin siya dahil kaibigan niya lahat
ng mga guro. Sa Maynila siya nagkolehiyo habang nagtatrabaho para masuportahan
niya ang sarili. Madali naman siyang nakahanap ng trabaho pagkatapos ng
kolehiyo.
Pero sino ang mag-aakalang pagkatapos ng ilang taon ay uuwi siya sa kanilang
bayan para magmisa? Nagpasya siyang magpari at pagkatapos ng ilang taon
sa seminaryo, heto na siya ngayon para sa una niyang misa sa kanilang
bayan.
balik
calendario
Agosto
2
Sabado
Ika-17
Linggo ng Taon
Eusebio ng Vercelli at Pedro Julian Eymard
Unang
Pagbasa: Jer 26:11-16, 24
Ebanghelyo: Mt 14:1-12
Umabot kay
Haring Herodes ang katanyagan ni Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga
kasambahay: "Si Juan Bautista siya. Nabuhay si Juan mula sa mga patay
kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan."
Si Herodes nga ang nagpahuli kay Juan, at nag-utos na ikadena ito at ikulong
dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat
sinabi ni Juan kay Herodes: "Hindi mo siya puwedeng maging asawa."
Talaga ngang gusto ni Herodes na patayin siya, pero takot siya sa mga
tao na kumikilala kay Juan bilang isang propeta.
Kaarawan ni Herodes at nagsayaw ang anak na babae ni Herodias, at nasiyahan
si Herodes sa kanya. Kaya sinumpaan niya ang pangakong ibibigay sa kanya
ang anumang hingin niya. At sinabi ng babae ayon sa turo ng kanyang ina:
"Ibigay mo rito sa akin ang ulo ni Juan Bautista sa isang bandeha."
Nasaktan ang hari ngunit napanumpaan na niya ang pangako sa harap ng mga
bisita kaya iniutos niya na ibigay iyon sa kanya. At pinapugutan niya
ng ulo si Juan sa kulu-ngan; inilagay sa isang plato ang kanyang ulo at
ibinigay sa babae, at dinala ito ng babae sa kanyang ina.
At pagkatapos ay dumating naman ang mga alagad ni Juan at kinuha ang kanyang
katawan at inilibing. At pagkatapos ay ibinalita ito kay Jesus.
Pagninilay-nilay
Alam niya na mali ang kanyang ginagawa pero dahil sa binitiwan na salita,
napasubo na siya kaya wala siyang anumang magagawa kundi panindigan ang
kanyang ipinangako. May isang salita siya kaya hindi niya mababawi ang
kanyang sinabi.
Hindi pagkakaroon kundi kawalan ng paninindigan ang pinatunayan ni Herodes
sa kanyang ginawa. Kung tanda ng mabuting pinuno ang pagkakaroon ng "palabra
de honor," mas mahalaga ang pagiging lider sa ngalan ng katotohanan
at katarungan. Walang masama sa pag-amin ng sariling pagkakamali alang-alang
sa kung ano ang totoo at makatarungan.
balik
calendario
Agosto
3
Linggo
Ika-18
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 55:1-3
Halikayo,
lahat kayong nauuhaw, magsilapit sa tubig; at lahat kayong mga walang
pera, halikayo, bumili ng trigo at kumain. Oo, halikayo, bumili ng alak
at gatas, nang walang pera at walang presyo.
Bakit gagastahin ang inyong pera sa hindi nakabubusog at bakit nagpapakapagod
sa hindi nakasisiya? Makinig sa akin, at kayo'y kakaing mabuti; masasarapan
kayo sa matatabang pagkain.
Makinig kayo at lumapit sa akin; makinig sa akin upang mabuhay ang inyong
ka-luluwa. Makikipagtipan ako sa inyo-isang walang hanggang tipan; tutuparin
ko sa inyo ang aking mga pangako kay David.
Slm
145:8-9, 15-16, 17-18
Buksán ang iyong kamay, Panginoon, at pakanin kami.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 8:35,37-39
At sino
ang magwawalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang kasawiampalad ba,
ang hirap, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, ang
tabak?
Ngunit sa lahat ng ito, daig pa natin ang nanalo dahil sa nagmamahal sa
atin. Natiti-yak kong kahit ang kamatayan at buhay, kahit ang mga anghel
at pamumuno ng kasalukuyang panahon o ng darating; kahit ang mga puwersa
ng kaitaasan o ng kailaliman; natitiyak ko na sa mga nilikha'y walang
makapagwawalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos na na kay Kristo Jesus na
ating Panginoon.
Ebanghelyo:
Mt 14:13-21
Nang marinig ito ni Jesus, lumayo siya at namangka na sila-sila lang patungo
sa ilang na lugar. Ngunit nalaman ito ng mga tao at sumunod sila sa kanya
na naglalakad mula sa kanilang mga bayan. Pagdating ni Jesus sa pampang,
nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila.
At pinagaling niya ang mga maysakit.
Nang hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: "Nasa ilang
na lugar tayo at lampas na ang oras. Paalisin mo na ang maraming taong
ito para makapunta sila sa mga nayon at makabili ng kani-kanilang pagkain."
Ngunit sumagot si Jesus: "Hindi na nila kailangang umalis pa; kayo
ang magbigay sa kanila ng makakain." Sinabi nila: "Wala kami
rito kundi limang tinapay at dalawang isda." Sinabi niya: "Akin
na."
At iniutos niyang maupo sa damuhan ang makapal na tao. Kinuha niya ang
limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati
ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad; at ibinigay rin nila
sa mga tao. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga
natirang pira-piraso-labindalawang punong basket. Mga limanlibong lalaki
ang napakain bukod pa sa mga babae at mga bata.
Pagninilay-nilay
Hati. Marami ang ayaw sa "hating-kapatid" dahil sa halip
na pantay at pareho ang hatian, mas malaki ang bahaging kaparte ng naghahati
kaysa kanyang kapatid. Sino nga ba naman ang may gustong malamangan?
Ganito ang kalagayan ng buhay ng tao. Sa kabila ng pagtawag natin sa iisang
Ama sa langit, na ibig sabihi'y magkakapatid tayong lahat, nananatili
pa ring may mayayaman at may mga naghihikahos sa buhay, may walang-wala
at meron namang talagang meron lahat.
Dahil nga kaya sa tamad sila kaya sila walang-wala? O dahil "hating-kapatid"
ang ginawa natin kaya mas nakalalamang tayo?
balik
calendario
Agosto
4
Lunes
Ika-18
na Linggo ng Taon
Juan Maria Vianney
Unang
Pagbasa: Jer 28:1-17
Ebanghelyo: Mt 14:22-36
Agad pinasakay
ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo habang
pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa siyang pumunta
sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi. Samantala,
malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat pasalungat
ang hangin.
Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat.
Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila'y
multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: "Lakasan
ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot." Sumagot si Pedro: "Panginoon,
kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig."
At sinabi niya: "Halika." Bumaba naman sa bangka si Pedro at
naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas
na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: "Panginoon,
iligtas mo ako!" Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan
siya, at sinabi: "Taong maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?"
Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap
ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: "Totoo ngang ikaw ang Anak
ng Diyos!"
Pagkatawid nila, dumating sila sa pampang ng Genesaret. Nakilala si Jesus
ng mga tagaroon at ipinamalita nila sa buong kapaligiran. Kaya dinala
nila sa kanya ang mga maysakit. May nakiusap sa kanya na mahipo man lamang
sana nila ang laylayan ng kanyang damit, at gumaling ang lahat ng humipo
rito.
Pagninilay-nilay
Kung ang pagdampi ng dulo ng ating daliri sa laylayan ng damit ng Panginoon
ay makapagdudulot ng mabilisang lunas sa ating mga karamdaman, ano pa
kaya kung siya'y ating tinatanggap sa Banal na Komunyon. Ang Banal na
Komunyon ay matatawag na lunas maging sa kamatayan, sapagkat iniuugnay
tayo nito sa pinakabukal ng walang hanggang buhay, ang Panginon at Tagapagligtas
nating lahat, si Jesucristo.
Kahit pa nga walang tayong iniinda na karamdaman sa buhay, lahat tayo'y
nangangailangan ng pagpapagaling ng Panginoon. Siya ang Dakilang Manggagamot
na ating tinatanggap sa mga sakramento ng simbahan.
balik
calendario
Agosto
5
Martes
Ika-18
na Linggo ng Taon
Pagtatalaga sa Basilika ng Mahal na Birheng
Maria sa Roma
Unang
Pagbasa: Jer 30:1-2, 12-15, 18-22
Ebanghelyo: Mt 15:1-2, 10-14
Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang ilang Pariseo at mga guro ng Batas
na galing pa sa Jerusalem. At sinabi nila sa kanya: "Bakit nilalabag
ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas
ng kamay bago kumain."
Kaya tinawag ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila: "Pakinggan
at unawain. Hindi ang pumapasok sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao kundi
ang lumalabas sa bibig ang nakapagpaparumi sa tao."
Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi: "Alam
mo bang naiskandalo ang mga Pariseo sa sinabi mo?" Sumagot si Jesus:
"Ang bawat tanim lamang na hindi itinanim ng aking Amang nasa Langit
ang bububunutin. Huwag ninyo silang pansinin! Mga bulag na gabay sila.
Kapag isang bulag ang umakay sa kapwa-bulag, silang dalawa ang mahuhulog
sa hukay."
Pagninilay-nilay
Makailang beses nga bang nagalit si Yawe sa mga Israelita dahil sa
kanilang mga kapalaluan? Ilang beses din pinangaralan ni Jesus ang mga
pariseo, maging kanyang mga alagad, dahil sa katigasan ng kanilang mga
ulo? Kadalasan, kagaya rin nila tayo dahil mahirap para sa atin ang tanggapin
ang mga turo ng Panginoon. Minsan pa nga, pinagtatakhan natin kung bakit
tila nagagalit ang Diyos at nawawalan ng pasensiya sa atin ang Panginoon.
"Makinig at unawain." Ito ang patuloy na paanyaya ng Panginoon
para sa ating lahat. Buksan natin ang ating mga sarili sa galaw ng Banal
Espiritu na nangungusap at nagtuturo sa atin sa daan ng Panginoon.
balik
calendario
Agosto
6
Miyerkules
Ang
Pagliliwanag sa Bagong Anyo ng Panginoon
Unang
Pagbasa: Dn 7:9-10, 13-14
Ikalawang Pagbasa: 2 P 1:16-19
Ebanghelyo: Mt 17:1-9
Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Jaime at ang kapatid
nitong si Juan, at umakyat na sila lamang ang kasama sa isang mataas na
bundok. Nagbago ang anyo ni Jesus sa harap nila: nagningning gaya ng araw
ang kanyang mukha at kuminang na puting-puti ang kanyang damit gaya ng
liwanag. At napakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap
kay Jesus.
Kaya nagsalita si Pedro at sinabi niya: "Panginoon, mabuti at narito
tayo. Kung gusto mo, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa iyo, isa
para kay Moises, at isa para kay Elias."
Nagsasalita pa si Pedro nang takpan sila ng isang makinang na ulap. At
mula sa ulap ay narinig ang salitang ito: "Ito ang aking Anak, ang
Minamahal, ang aking Hinirang; pakinggan ninyo siya."
Nang marinig iyon ng mga alagad, napasubsob sila sa lupa, na takot na
takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinipo, at sinabi: "Tumayo
kayo, huwag matakot." At pagtingala nila, wala silang nakita liban
kay Jesus. At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na
huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao
mula sa mga patay."
Pagninilay-nilay
Wala sa sarili si Pedro nang sabihin niyang doon sila tumigil ng Panginoon
sa bundok dahil maganda at maginhawa ang kanyang pakiramdam sa piling
ni Jesus na nagbagong-anyo sa harap nila. Ganito ang nararamdaman natin
sa mga araw na parang napakalapit natin sa Diyos at napakagaan ng ating
kalooban. Hindi tayo naiinip sa pagdarasal at pagsisimba. At parang hindi
tayo apektado ng anumang problema sa buhay at wala rin tayong pakialam
sa mundo. Ngunit hind tayo maaaring manatili na lamang sa mataas na bundok
ng pagbabagong-anyo ng Panginoon; kailangan din tayong bumaba kasama niya
sa kapatagan ng karaniwan nating buhay sa araw-araw.
balik
calendario
Agosto
7
Huwebes
Ika-18
na Linggo ng Taon
Sixto II at mga Kasama /Cayetano
Unang
Pagbasa: Jer 31:31-34
Ebanghelyo: Mt 16:13-23
Pumunta
si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga
alagad: "Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako para sa kanila?"
Sumagot sila: "May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang
nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya."
Sinabi niya sa kanila: "Ngunit sino ako para sa inyo?" At sumagot
si Simon Pedro: "Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay."
Sumagot naman si Jesus: "Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman
at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito
ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan
ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang
itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito
sa lupa ay kakalagan din sa Langit."
At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na
siya nga ang Mesiyas.
Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na
kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda
ng mga Judio, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya
at muling babangon sa ikatlong araw. Dinala naman siya ni Pedro sa isang
tabi at sinimulang pagsabihan: "Huwag sana, Panginoon! Hindi ito
puwede." Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro at sinabi sa kanya: "Sa
likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin. Hindi sa Diyos galing ang
iyong iniisip kundi mula sa tao."
Pagninilay-nilay
Katatapos lamang sabihin ni Jesus kay Pedro na mapalad siya at matapos
ipagkatiwala sa kanya ang pamumuno sa pamayanan ng kanyang mga alagad,
heto at tinatawag naman siyang "Satanas" ng Panginoon. Sa lahat
ng apostol at tagasunod ni Jesus, si Pedro lamang ang nagsabing si Jesus
ang Kristo, pero siya rin lamang ang tinawag na "Satanas" ni
Jesus.
Para maintindihan natin nang lubos ang sinasabi ng Ebanghelyo, kailangang
malaman natin ang kahulugan ng "Satanas" nang panahong iyon.
At makikita natin sa kasunod na pangungusap ang ibig sabihin nito: ang
tumitisod para madapa ang sinuman.
balik
calendario
Agosto
8
Biyernes
Ika-18
na Linggo ng Taon
Domingo
Unang
Pagbasa: Nh 2:1, 3; 3:1, 6-7
Ebanghelyo:
Mt 16:24-28
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Kung may ibig sumunod sa
akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod
sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan
nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alang-alang sa akin ang
makakatagpo nito. Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong
daigdig kung sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para
mabawi ito?
"Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang
Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan
ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa. Totoong sinasabi ko sa inyo na
makikita ng ilan sa inyo ang Anak ng Tao na dumarating bilang Hari, bago
sila mamatay."
Pagninilay-nilay
Hindi ka ba naiinggit sa mga sikat at mayayaman? Hindi ba parang napakasarap
ng buhay nila na parang walang problema dahil nasa kanila na ang lahat
ng bagay kaya maginhawa ang kanilang buhay?
Paano magiging maginhawa ang buhay ng mayaman na walang pinoproblema kundi
ang lalo pang yumaman kaya wala siyang ibang ginagawa kundi magtrabaho?
Magkano ba ang puwede niyang dalhin sa kabilambuhay? Maginhawa kaya ang
buhay ng mayamang nagpatayo ng mansyon at pagkatapos ay pinaderan naman
niya nang mataas ang kanyang bakuran at nilagyan ng rehas lahat ng bintana
at pinto para hindi mapasok ng magnanakaw?
balik
calendario
Agosto
9
Sabado
Ika-18
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Heb 1:12-2:4
Ebanghelyo: Mt 17:14-20
Pagdating
nila sa kinaroroonan ng mga tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki, lumuhod
sa harap niya at nagsabi: "Ginoo, maawa ka sa aking anak na lalaki
na may epilepsi at lubhang nahihirapan. Madalas siyang mahulog sa apoy
at kung minsan nama'y sa tubig. Dinala ko na siya sa mga alagad mo pero
hindi nila siya napagaling."
Sumagot si Jesus: "Mga walang pananampalataya at ligaw na tao kayo!
Gaano pa katagal na panahon ako mananatili sa piling ninyo? Hanggang kailan
ako magtitiis sa inyo? Dalhin siya rito sa akin." At inutusan ito
ni Jesus, at umalis sa kanya ang masamang espiritu. At gumaling ang bata
sa sandaling iyon.
Pagkatapos ay nilapitan si Jesus ng mga alagad, at tinanong nang sarilinan:
"Bakit hindi namin napalayas ang espiritu?" Sinabi ni Jesus
sa kanila: "Sapagkat kaunti ang inyong pananampalataya. Kung may
pananampalataya kayong sinlaki ng buto ng mustasa, masasabi sana ninyo
sa bundok na ito na gumalaw mula rito at gagalaw ito. At walang imposible
para sa inyo."
Pagninilay-nilay
Kahanga-hangang ama meron ang batang maysakit ng epilepsi dahil siya
mismo ang lumapit sa Panginoon para hilingin na pagalingin ni Jesus ang
kanyang anak. Ilan sa ating mga ama ng tahanan ang tulad niya?
Habang nagsisimba ang kanilang mga asa-asawa, naiiwan silang tulog sa
bahay; sa pagdalo sa miting ng mga ina ng tahanan sa mga samahang pansimbahan
na kanilang kinabibilangan, busy naman ang mga ama kasama ng kanilang
mga barkada. At habang nagrorosaryo ang mga mag-iina, naiiwan silang patuloy
sa panonood ng TV. Ang mga ama ang siyang pinuno ng ating mga pamilya
at sila rin ang namumuno sa pagdulog ng mag-anak sa Diyos.
balik
calendario
Agosto
10
Linggo
Ika-19
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 H 19:9,11-13a
Pagdating
niya roon, nagpunta siya sa yungib at doon nagpalipas ng magdamag. At
dumating sa kanya ang salita ni Yawe: "Ano ang ginagawa mo rito,
Elias?"
At sinabi ni Yawe: "Lumabas ka't tumayo sa bundok, at hintayin si
Yawe." At hayan, dumaan si Yawe.
At may malakas at malaking hanging makabiyak-bundok at makadurog-bato
sa harap ni Yawe, pero wala sa hangin si Yawe. Pagkatapos ng hangin ay
lumindol pero wala sa lindol si Yawe. Pagkatapos ng lindol ay nagkaroon
ng apoy pero wala sa apoy si Yawe. Pagkatapos ng apoy, ang tunog ng banayad
na ihip ng hangin. Pagkarinig ni Elias dito, tinakpan niya ng kanyang
balabal ang kanyang mukha, lumabas at tumayo sa may bungad ng yungib.
Slm
85:9, 10, 11-12, 13-14
Ipakita sa amin, O Panginoon, ang iyong awa, at iligtas kami.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 9:1-5
Sasabihin
ko sa inyo ang totoo sa harap ni Kristo, nang walang kasinungalingan,
at pinatototohanan sa akin ng aking konsiyensya sa Banal na Espiritu:
Matindi ang aking kalungkutan at walang tigil ang pagdurusa ng aking kalooban
at ako na sana ang isumpa at ihiwalay kay Kristo sa halip ng mga kapatid
ko na mga kalahi ko. Israelita sila; inampon sila ng Diyos; nasa kanila
ang Luwalhati at ang mga tipan; sa kanila ipinagkaloob ang Batas pati
ang pagsamba at mga pangako. Sa kanila ang mga dakilang ninuno; at sa
kanila rin ayon sa lahi si Kristo na siya namang Diyos na di saklaw ng
anuman. Purihin siya magpakailanman.
Ebanghelyo:
Mt 14:22-33
Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang
ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkaalis ng mga tao, mag-isa
siyang pumunta sa kaburulan para manalangin. Nag-iisa siya roon nang gumabi.
2Samantala, malayo na sa lupa ang bangka, sinasalpok ng mga alon sapagkat
pasalungat ang hangin.
Nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat.
Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, natakot sila, at akala nila'y
multo siya. Kaya sumigaw sila. Ngunit agad niyang sinabi sa kanila: "Lakasan
ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot." Sumagot si Pedro: "Panginoon,
kung ikaw nga, papuntahin mo ako sa iyo na naglalakad sa tubig."
At sinabi niya: "Halika." Bumaba naman sa bangka si Pedro at
naglakad sa tubig papunta kay Jesus. Ngunit natakot siya sa harap ng malakas
na hangin at nagsimulang lumubog. Kaya sumigaw siya: "Panginoon,
iligtas mo ako!" Agad na iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinawakan
siya, at sinabi: "Taong kaunti ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?"
Nang nakasakay na sila sa bangka, tumigil ang hangin. At yumuko sa harap
ni Jesus ang mga nasa bangka at sinabi: "Totoo ngang ikaw ang Anak
ng Diyos!"
Pagninilay-nilay
Simoy. Kaiba sa malakas na hangin, banayad na ihip lamang ang simoy
ng hangin; parang dampi ito sa balat, na nagpapaginhawa lalo na kung tag-init.
Hinahanap natin ang Diyos sa malalaking kababalaghan at mga himala ngunit
wala ang Diyos sa mga iyon. Inaakala nating nasa mga kagila-gilalas na
pangyayari ang Panginoon pero wala siya sa alinman sa mga iyon. Kadalasa'y
ang mga iyon pa nga ang naglalayo ng ating paningin sa Panginoon tulad
ng malakas na hangin sa harap ni Pedro.
Dumarating ang Diyos sa buhay natin tulad ng banayad na ihip ng hangin.
Hindi ka-pansin-pansin at walang anumang kagila-gilalas.
balik
calendario
Agosto
11
Lunes
Ika-19
na Linggo ng Taon
Clara
Unang
Pagbasa: Ez 1:2-5, 24-28c
Ebanghelyo: Mt 17:22-27
Minsan nang
maglakbay si Jesus sa Galilea kasama ang Labindalawa, sinabi niya sa kanila:
"Ibibigay ang Anak ng Tao sa kamay ng mga tao. Papatayin nila siya
ngunit babangon siya sa ikatlong araw." Kaya lubha silang nalungkot.
Nang makapasok na sila ng Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga tagakolekta
sa Templo at tinanong nila siya: "Nagbabayad ba ng buwis ang guro
ninyo?" Sumagot siya: "Siyempre."
At pumasok si Pedro sa bahay ngunit agad siyang tinanong ni Jesus: "Ano
sa palagay mo, Simon? Sino ang nagbabayad ng buwis o parangal sa mga hari
ng mundo: ang mga anak ba o ang iba?" Sumagot si Pedro: "Ang
iba." At sinabi ni Jesus: "Kung gayon, di-saklaw ang mga anak.
Ngunit hindi rin natin dapat saktan ang mga taong ito kaya pumunta ka
sa dagat, maghagis ng bingwit at buksan ang bibig ng unang isdang iyong
mahuhuli. May pera kang matatagpuan doon, kunin mo iyon at magbayad ka
para sa iyo at sa akin din."
Pagninilay-nilay
Bahagi ng Holy Land tour ang tanghalian sa tabi ng Lawa ng Galilea
at tampok na putahe ang St. Peter's fish, na nahuhuli sa lawa. Maraming
turista ang umoorder ng isda para malaman nila at matikman ang sinasabing
isdang nahuli ni San Pedro. Dahil panturista, kulang-kulang na limandaang
piso ang presyo ng isang isda ni San Pedro, gayong hindi naman espesyal
ang pagkakaluto dahil basta ipinrito lang at nilagyan ng hiniwang kamatis
at pipino sa paligid.
Hindi mo rin iisiping espesyal ang isda ni San Pedro dahil marami niyon
dito sa atin at ni hindi aabutin ng isandaang piso ang halaga ng isa.
Kahit na hindi ka pumunta sa Israel, makakakain ka rin niyon dahil tilapya
ang isda ni San Pedro.
balik
calendario
Agosto
12
Martes
Ika-19
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Ez 2:8-3:4
Ebanghelyo: Mt 18:1-5, 10, 12-14
Lumapit kay Jesus ang mga alagad at tinanong nila siya, "Sino ang
mas una sa kaharian ng Langit?"
Tinawag ni Jesus ang isang maliit na bata at ipinagitna sa kanila, at
sinabi: "Sinasabi ko sa inyo na hanggang hindi kayo nagbabago at
nagiging katulad ng maliliit na bata hindi kayo makapapasok sa kaharian
ng Langit. Ang nagpapakababa gaya ng maliit na batang ito, siya ang pinakamalaki
sa kaharian ng Langit. At ang sinumang tumanggap sa batang ito dahil sa
aking pangalan ay tumatanggap sa akin.
"Huwag sana ninyong hamakin ang isa sa maliliit na ito; talagang
sinasabi ko sa inyo na laging nasa harap ng aking Ama sa Langit ang kanilang
mga anghel sa Langit.
"Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw
ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu't siyam
para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya
ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw.
Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa
maliliit na ito."
Pagninilay-nilay
Para sa atin ngayon, ang pagiging inosente ang pinakamahalagang katangian
ng mga bata. Ngunit nang panahong iyon, hindi ganito ang tingin ng mga
tao sa mga bata. Sa halip na larawan ng kawalang-malay, kabilang ang mga
bata sa mga hindi tinatao ng lipunan. Hindi pa sila "tao" kaya
wala silang anumang karapatan sa kanilang pamilya at lipunan. Habang bata
sila, kabilang sila sa mga ari-arian ng mga ama ng tahanan. At dahil wala
silang anumang karapatan, sa kanilang mga ama sila umaasa. Kung uunawain
nating mabuti ang kalagayan ng mga bata nang panahong iyon, maiintindihan
din natin kung ano ang ibig sabihin ni Jesus sa kanyang panawagan sa atin.
balik
calendario
Agosto
13
Miyerkules
Ika-19
na Linggo ng Taon
Ponciano at Hipolito
Unang
Pagbasa: Ez 9:1-7; 10:18-22
Ebanghelyo: Mt 18:15-20
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kung nagkasala sa iyo ang
iyong kapatid, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan; at kung makinig
siya sa iyo, tinubo mo na ang iyong kapatid. Kung hindi naman siya makinig
sa iyo, magsama ka ng dalawa o tatlo para lutasin ang kaso sa pagsaksi
ng dalawa o tatlo. Kung tatanggi siyang makinig sa kanila, sabihin ito
sa Iglesya; at kung hindi pa rin siya makikinig sa Iglesya, ituring siyang
pagano o publikano.
"Talagang sinasabi ko sa inyo: ang talian ninyo sa lupa ay matatali
rin sa Langit, at ang kalagan ninyo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.
"Sinasabi ko rin sa inyo: kung dito sa lupa ay may dalawa sa inyo
na nagkakaisang humihingi ng anuman, gagawin ito para sa kanila ng aking
Amang nasa Langit. Sapagkat kung saan may dalawa o tatlong nagkakatipon
sa Ngalan ko, kapiling nila ako."
Pagninilay-nilay
Mas gusto nating tumahimik at magsawalang-kibo kaysa kausapin ang ating
kapwa, kahit na alam natin na mali ang kanyang ginagawa. May iba naman
sa atin, na hindi nga nila masabi sa kanilang kapwa ang nakikita nilang
masama pero sa iba naman nila ikinukuwento o inirereklamo.
Narito ang simpleng panuntunan: "Kung hindi mo masabi sa mismong
maykatawan, wala kang karapatang sabihin ang anuman kaninuman." Ngunit
kung totoo ang iyong malasakit sa iyong kapwa, magkakaroon ka ng lakas
ng loob na kausapin siya nang masinsinan para sabihin sa kanya ang nakikita
mong maling ginagawa niya.
Agosto
14
Huwebes
Ika-19
na Linggo ng Taon
Maximiliano Maria Kolbe
Unang
Pagbasa: Ez 12:1-12
Ebanghelyo: Mt 18:21-19:1
Nagtanong naman si Pedro kay Jesus, "Panginoon, gaano kadalas ko
naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses
ba?" Sumagot si Jesus: "Hindi, hindi pitong beses kundi pitumpu't
pitong beses.
Tungkol sa kaharian ng Langit ang kasaysayang ito. Isang hari ang nagpasyang
pagbayarin ng utang ang kanyang mga utusan. Nang simulan niyang suriin
ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang
ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na
ipagbili at maging alipin siya kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga
ari-arian bilang bayad-utang.
At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: 'Bigyan mo pa
ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.' Naawa sa kanya
ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang
utang.
Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan
na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg
at halos sakalin habang sumisigaw ng 'Bayaran mo ang utang mo!' Nagpatirapa
sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: 'Bigyan mo pa ako ng
panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko sa iyo.' Ngunit tumanggi
siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang.
Labis na nalungkot ang iba nilang kapwa-lingkod nang makita ang nangyari.
Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari.
Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: 'Masamang utusan, pinatawad
ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Di ba dapat ay naawa
ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?' Galit na galit
ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap
hanggang mabayaran nito ang lahat ng utang."
Idinagdag ni Jesus: "Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama
sa Langit kung hindi patatawarin ng bawat isa sa inyo mula sa puso ang
kanyang kapatid."
Nang tapos na si Jesus sa mga aral na ito, umalis siya sa Galilea at pumunta
sa probinsya ng Judea sa kabilang ibayo ng Ilog Jordan."
Pagninilay-nilay
Dadalawang lalaki sila sa limang magkakapatid pero lumaki silang malayo
sa isa't isa kahit na nga malapit sa isa't isa ang mga babaeng kapatid
nila. Nang magkaasawa na, nagpagawa sila ng duplex para sa pamilya ng
bawat isa. Ngunit sa halip na maging daan iyon para magkalapit sila at
ang kanilang mga pamilya, lalo pang tumindi ang kanilang hidwaan at samaan
ng loob. May kung ano silang pinagtalunan noong araw, at sa paglipas ng
panahon, hindi na nila alam kung ano talaga ang puno't dulo ng kanilang
samaan ng loob. Pero patuloy pa rin ang away nila, na nagsimula sa kanila,
at ngayo'y ipinagpapatuloy naman ng mga magpipinsan, na kani-kanilang
mga anak.
balik
calendario
Agosto
15
Biyernes
Pag-aakyat
sa Langit sa Mahal na Birheng Maria
Unang
Pagbasa: Pag 11:19; 12:1-6, 10ab
Ikalawang
Pagbasa: 1 Cor 15:20-27
Ebanghelyo:
Lc 1:39-56
At napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at
sinabi: "Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang
bunga ng iyong sinapu-punan!
At sinabi ni Maria:
"Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon
at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas
dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya,
at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi.
Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan,
banal ang kanyang Pangalan.
Patuloy ang kanyang awa sa mga sali't salinlahi
para sa mga may pitagan sa kanya.
Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig,
ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak.
Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan."
itinampok naman ang mga bale-wala.
Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom
at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman.
Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod,
inalaala ang kanyang awa
ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno,
kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman."
Pagninilay-nilay
Hindi ba kahanga-hanga na isang karaniwang ina ang pinakadakilang santa?
Sa tanang buhay ni Maria, hindi siya nagkaroon ng anumang korona o mga
borloloy tulad ng inilalagay natin sa kanyang mga rebulto. Hindi rin siya
nagsuot ng mamahaling mga damit dahil asawa lamang siya ng karpintero.
At wala siyang anumang ginawang himala maliban sa pagkalinga sa kanyang
asawa at anak, maglinis ng bahay, mamalengke, magluto, at iba pang gawaing
bahay. Tulad ng ating mga ina-simple at kadalasa'y nasa bahay lamang pero
dakila sa lahat dahil sa tunay nilang malasakit at pagmamahal sa atin.
Agosto
16
Sabado
Ika-19
na Linggo ng Taon
Esteban ng Unggaria
Unang
Pagbasa: Ez 18:1-10, 13b, 30-32
Ebanghelyo: Mt 19:13-15
May nagdala
kay Jesus ng mga bata para ipatong niya ang kanyang kamay sa kanila at
madasalan. Pinagalitan naman ng mga alagad ang mga taong may dala sa kanila.
Kaya sinabi ni Jesus: "Pabayaan ninyo sila. Huwag ninyong pigilang
lumapit sa akin ang mga bata. Sa mga tulad nga nila ang kaharian ng Langit."
At pagkapatong ni Jesus ng kanyang kamay sa kanila, umalis na siya.
Pagninilay-nilay
Nagtataka ang ama at ina ni Dennis kung bakit tuwing tatawagin nila
ito para kumain, hindi maaaring hindi muna siya pumunta sa toilet bago
dumulog sa hapag-kainan. Puwede namang magtoilet si Dennis kahit anong
oras pero bago kumain saka siya pumupunta sa kubeta.
Gayon ang naisip na paraan ni Dennis para makapagdasal siya bago kumain.
Nahihiya siyang makita ng kanyang mga magulang na nagdarasal bago kumain
kaya pumapasok muna siya sa kubeta para doon na magdasal. At matapos makapagdasal,
saka siya lumalabas papunta sa mesa para kumain kasalo ng kanyang mga
magulang at kapatid.
Agosto
17
Linggo
Ika-20
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 56:1, 6-7
Ito ang
sinasabi ni Yawe: "Isagawa ang katarungan at gumawa ng tama, pagkat
malapit na ang aking pagliligtas at malapit nang lumitaw ang aking katarungan.
At ang mga dayuhang ibinubuklod ang sarili kay Yawe, na naglilingkod sa
kanya at nagmamahal sa kanyang Pangalan, ang lahat ng nangingilin sa mga
Araw ng Pahinga na hindi ito nilalapastangan, at nananatiling tapat sa
aking tipan: dadalhin ko sila sa aking banal na bundok at bibigyang-galak
sa aking bahay-dalanginan. Tatanggapin sa aking altar ang kanilang mga
susunuging handog at hain, dahil ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan
para sa lahat ng bansa.
Slm
67:2-3, 5, 6, 8
Purihin ka, O Diyos, ng lahat ng mga bansa.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 11:13-15, 29-32
Pakinggan
ninyo ako, mga taga-bansang pagano. Apostol ako ng mga Judio at sa pagtupad
ko sa aking paglilingkod hangad ko sanang hamunin ang aking mga kalahi.
At baka mailigtas ko ang ilan sa kanila. Tingnan ninyo, sa pagkadapa nila
naipagkasundo ang daigdig; ano pa kaya sa pagkabawi sa kanila, kundi isang
pagkabuhay?
Sapagkat hindi mababawi ang pagtawag at ang mga kaloob ng Diyos.
Isipin ninyo: hindi kayo sumunod sa Diyos noon, ngunit sa kanilang di
pagsunod kayo kinaaawaan ng Diyos. Gayundin naman, hindi sila sumusunod
ngayon upang kaawaan kayo; at bunga nito, sila'y kaaawaan din. Ipinailalim
nga ng Diyos ang lahat sa di pagsunod upang kaawaan ang lahat.
Ebanghelyo:
Mt 15:21-28
Pagkaalis sa Genesaret, pumunta si Jesus sa gawing Tiro at Sidon. May
isang babaeng Kananea noon na nagpunta sa dakong iyon at sumigaw: "Panginoon,
anak ni David, maawa ka sa akin! Pinahihirapan ng isang demonyo ang anak
kong babae." Ngunit hindi siya tinugon ni Jesus kaya lumapit ang
kanyang mga alagad at hiniling ng mga ito: "Paalisin mo na siya't
sigaw siya nang sigaw sa likod natin."
At sinabi sa kanya ni Jesus: "Sa nawawalang tupa ng bayan ng Israel
ako sinugo."
Ngunit lumapit ang babae at lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi: "Ginoo,
tulungan mo ako!" Sumagot si Jesus: "Hindi tama na kunin ang
tinapay sa mga bata at itapon ito sa mga tuta." Sumagot ang babae:
"Totoo nga, Ginoo, pero kinakain naman ng mga tuta ang mga nalalaglag
mula sa hapag ng kanilang mga amo." Kaya nagsalita sa kanya si Jesus:
"Babae, napakalaki ng iyong pananalig! Maganap sa iyo ayon sa nais
mo." At nang oras ding iyon, gumaling ang kanyang anak.
Pagninilay-nilay
Pagano. Galing ito sa salitang Latin na "tagabukid" ang ibig
sabihin, kayat makikita natin sa kahulugan nito kung paano nagsimula ang
Kristiyanismo noong mga panahong iyon.
Mula sa Jerusalem na siyudad na kapitolyo ng Israel, sa iba pang mga siyudad
nangaral ang mga unang Kristiyano at tinanggap ng mga tagaroon ang bagong
pananampalataya. Sa malalaking siyudad nang panahong iyon nagsimulang
lumaganap ang pamayanang Kristiyano kayat tinawag na "pagano"
ang mga tagabukid na hindi sumasampalataya.
Kaiba naman ito sa panahon natin ngayon na mga tagasiyudad ang wala nang
panahon para sa Diyos.
Agosto
18
Lunes
Ika-20
na Linggo ng Taon
Juana Frances ng Chantal
Unang
Pagbasa: Ez 24:15-23
Ebanghelyo: Mt 19:16-22
Nang oras
ding iyon, may binatang lumapit kay Jesus at nagtanong: "Guro, anong
mabuti ang dapat kong gawin para makamit ang buhay na walang hanggan?"
Sumagot si Jesus: "Bakit tungkol sa mabuti ang tanong mo? Iisa lang
ang Mabuti. Kung gusto mong pumasok sa buhay na walang hanggan, sundin
mo ang mga utos." At sinabi naman ng binata: "Anong mga utos?"
Sumagot si Jesus: "Huwag papatay, huwag makiapid, huwag magnakaw,
huwag manirang-puri ng kapwa, igalang ang iyong ama at ina, at mahalin
ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili."
At sinabi sa kanya ng binata: "Sinunod ko ang lahat ng ito, ano pa
ang kulang ko?" At sinabi ni Jesus: "Kung gusto mong maging
ganap, umuwi ka't ipagbili ang mga ari-arian mo at ibigay ang pera sa
mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa Langit. At saka ka bumalik
para sumunod sa akin."
Pagkarinig ng binata sa pahayag na ito, umalis siyang malungkot sapagkat
napakayaman niya.
Pagninilay-nilay
Matagal nang gusto ni Gil na magmonghe. Kung ilang taon na
niyang pinag-iisipang maging Carthusian, na hindi lamang monghe kundi
ermitanyo pa rin. Pero sa kabila ng pagnanais niyang maglingkod sa Panginoon,
hindi rin niya maiwan ang kanyang pamilya. Dahil walang malasakit sa kabuhayan
ng kanilang pamilya ang iba pa niyang mga kapatid, siya lamang ang inaasahan
ng kanyang ina na magpapatuloy ng kanilang mga negosyo, mula nang mabiyuda
iyon. Hindi naghihintay ang kanyang ina na aalagaan siya ni Gil pagdating
ng araw dahil napaghandaan na niya iyon. Isa lang ang mabigat na hadlang
para makapagpasya si Gil - ang pagpapatuloy ng kabuhayan ng kanilang angkan.
Agosto
19
Martes
Ika-20
na Linggo ng Taon
Juan Eudes
Unang
Pagbasa: Ez 28:1-10
Ebanghelyo: Mt 19:23-30
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Talagang sinasabi ko sa inyo:
mahirap makapasok ang mayaman sa kaharian ng Langit. Oo, maniwala kayo,
mas madali pa para sa kamelyo ang lumusot sa butas ng karayom kaysa pumasok
ang isang mayaman sa kaharian ng Langit."
Nang marinig ito ng mga alagad, namangha sila at sinabing "Kung gayon,
sino ang maliligtas?" Tinitigan sila ni Jesus at sumagot: "Imposible
ito para sa tao; pero para sa Diyos, lahat ay posible."
Nagsalita si Pedro at sinabi: "Iniwan namin ang lahat para sumunod
sa iyo: ano naman ang para sa amin?"
Sumagot si Jesus: "Talagang sinasabi ko sa inyong mga sumunod sa
akin: sa Araw ng Pagbabago, pag upo ng Anak ng Tao sa kanyang trono nang
buong luwalhati, uupo rin kayo sa labindalawang trono para maghari sa
labindalawang tribu ng Israel. At ang mag-iwan ng mga tahanan, mga kapatid,
ama at ina, mga anak o mga bukid alang-alang sa ngalan ko, tatanggap siya
ng sandaang beses at makakamit ang buhay na walang hanggan. May mga una
ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna."
Pagninilay-nilay
Iniwan nila ang kanilang mga mahal sa buhay-ang kani-kanilang mga asawa
at mga anak-at nangimbambayan upang mamasukan bilang mga katulong. Marami
sa kanila ang lubhang nagpakababa mula sa pagiging mga propesyunal at
mga tapos ng kolehiyo para makapaghanapbuhay bilang mga domestic helper,
at para naman maganda sa pandinig, bilang mga household staff. Kinalimutan
nga nila ang sarili upang masuportahan dito sa atin ang kanilang mga mahal
sa buhay. Ngunit sa pagtatrabaho nila sa ibang bansa, dala rin nila roon
ang kanilang pananampalataya. Hindi lamang sila mga bagong bayani kundi
sila rin ang ating mga bagong misyonera!
balik
calendario
Agosto
20
Miyerkules
Ika-20
na Linggo ng Taon
Bernardo
Unang
Pagbasa: Ez 34:1-11
Ebanghelyo: Mt 20:1-16
Sinabi ni Jesus: Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong
ito. Maagang lumabas ang isang may-ari para umupa ng mga manggagawa sa
ubasan. Nakipagkasundo siya na tatanggap ang mga manggagawa ng isang baryang
pilak isang araw, at pinapunta na niya sila sa ubasan.
Lumabas din siya nang mag-iikasiyam ng umaga at nakita niya ang ibang
mga nakatayo sa plasa na walang ginagawa. Kaya sinabi niya sa kanila:
'Pumunta rin kayo sa aking ubasan at bibigyan ko kayo ng nararapat.' At
pumunta sila.
Muli siyang lumabas kinatanghalian at nang mag-iikatlo ng hapon at gayundin
ang ginawa niya. Lumabas din siya sa huling oras ng paggawa at nakita
niya ang iba pang nakatayo lamang. Kaya sinabi niya sa kanila: 'Bakit
kayo nakatayo lang at maghapong walang ginagawa?' Sumagot sila: 'Dahil
walang umupa sa amin.' Sinabi niya: 'Pumunta kayo at magtrabaho sa aking
ubasan.'
Paglubog ng araw, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang tagapamahala:
'Tawagin ang mga manggagawa at bayaran sila, mula sa huli hanggang sa
una.' Kaya lumapit ang mga dumating sa huling oras at binigyan sila ng
tig-isang denaryo (isang baryang pilak). Nang lumapit naman ang mga nauna,
akala nila'y tatanggap sila ng higit pa. Ngunit tumanggap din sila ng
tig-isang denaryo. Kaya pagkatanggap nila nito, nagsimula silang magreklamo
sa may-ari.
"Ang sabi nila: 'Isang oras lamang ang trabaho ng mga huling ito,
at ipinapantay mo sila ngayon sa amin na maghapong nagtrabaho sa init
ng araw.' Kaya sinagot ng may-ari ang isa sa kanila: 'Kaibigan, hindi
ko kinukuha ang sa iyo. Di ba't nagkasundo tayo sa isang denaryo isang
araw? Kaya tanggapin mo ang sa iyo at umalis ka na. Gusto ko ring bigyan
ang nahuli gaya ng ibinigay ko sa iyo. Wala ba akong karapatang gawin
ang gusto ko sa pera ko? Bakit ka naiinggit dahil maawain ako?'
Kaya mauuna nga ang huli, at mahuhuli ang una."
Pagninilay-nilay
Panginoon, alam mo kung gaano ang pagsisikap ko na manatiling tapat
sa iyo. Alam mo rin kung gaano ang malasakit ko hindi lamang sa aking
pamilya kundi pati sa aking kapwa. Pero hindi ko maiwasan kung minsan
ang mainggit sa kanila. Bakit parang mas pinagpapala mo sila habang parang
wala namang pag-unlad sa aking buhay? Hindi naman ako nagkulang ng pagtawag
sa iyo
Imulat mo nawa, Panginoon, ang aking mga mata na makita ang marami mong
pagpapala sa aking buhay. Buksan mo rin ang aking puso upang masiyahan
ako sa pagkakita kong pinagpapala mo rin ang aking kapwa. Magkakapatid
kaming lahat kayat kapakanan ng lahat ang kabutihan ng bawat isa.
balik
calendario
Agosto
21
Huwebes
Ika-20
na Linggo ng Taon
Pio X
Unang
Pagbasa: Ez 36:23-28
Ebanghelyo: Mt 22:1-14
Muling nagsalita
si Jesus sa pamamagitan ng mga talinhaga:
"Tungkol sa nangyayari sa kaharian ng Langit ang kuwentong ito: May
isang haring naghanda sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Ipinatawag niya
sa mga katulong ang mga imbitado sa kasalan ngunit ayaw nilang dumalo.
"Muli niyang pinapunta ang iba pang mga katulong para sabihin sa
mga inanyayahan sa kasalan: 'Naghanda ako ng pagkain, nagpatay ng mga
toro at mga pinatabang hayop; handa na ang lahat kaya pumarito na kayo
sa kasalan.' Ngunit hindi nila pinansin ang paanyaya, sa halip ay may
pumunta sa kanyang taniman, at sa kanyang negosyo naman ang isa pa. Sinunggaban
naman ng iba pa ang mga katulong ng hari, nilibak at pinatay.
"Lubhang nagalit ang hari kayat ipinadala niya ang kanyang hukbo
para puksain ang mga mamamatay-tao at sunugin ang lunsod. At sinabi niya
sa kanyang mga katulong: 'Handa na ang kasalan ngunit hindi karapat-dapat
ang mga inanyayahan. Pumunta kayo ngayon sa dulo ng lunsod at anyayahan
sa kasalan ang bawat makita ninyo.'
"Kaya agad na lumabas sa mga daan ang mga katulong at tinipon ang
lahat ng makita, masama at mabuti, at napuno ang kasalan ng mga nasa hapag.
"Pagkatapos ay dumating ang hari para tingnan kung sino ang mga nasa
hapag at napansin niya ang isang lalaking hindi nakadamit-pampiyesta.
Kaya sinabi niya sa kanya: 'Kaibigan, paano ka nakapasok nang walang damit
pangkasal?'
"
Pagninilay-nilay
Ano ang gagawin mo kung matapos ang maghapon at magdamag mong paghahanda
ng lugar at ng mga pagkain para sa kasal ng pinakamamahal mo na anak,
wala isa mang dumalo sa iyong mga inimbita? Itatapon mo ba ang mga pagkain
dahil sa sama ng loob? Sayang
O tatawagin mo kahit sino para kumain
at makiisa sa inyong pagdiriwang?
Ang paanyaya sa atin ng Panginoon na makiisa sa kanyang kaharian, at hindi
lamang pagsisimba, ang tinutukoy ng kuwentong ito. Inaanyayahan tayo na
magsimulang mabuhay ayon sa pagdating ng paghahari ng Diyos sa ating piling-ang
mabuhay sa malasakit, katotohanan at katarungan.
balik
calendario
Agosto
22
Biyernes
Ika-20
na Linggo ng Taon
Pagka-Reyna ng Mahal na Birheng Maria
Unang
Pagbasa: Is 9:1-6
Ebanghelyo:
Lc 1:26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan
ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo
na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at
Maria naman ang pangalan ng birhen.
Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: "Matuwa ka, O puspos ng grasya,
sumasaiyo ang Panginoon." Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang
ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: "Huwag kang matakot, Maria, dahil may
magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo'y maglilihi ka at manganganak
ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin
siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos
ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob
magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari."
Sinabi ni Maria sa anghel: "Paanong mangyayari ito gayong di ako
ginagalaw ng lalaki?" At sumagot sa kanya ang anghel: "Papanaog
sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan
kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao
naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan,
at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang
imposible sa Diyos."
Sinabi naman ni Maria: "Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari
nawa sa akin ang iyong sinabi." At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay-nilay
Alalahanin natin sa araw na ito, hindi lamang si Maria, pati na rin
ang ating mga ina. Tulad ni Maria, tinanong din ng Diyos ang ating mga
ina bago nila tayo ipanganak; tinanong niya sila kung tinatanggap ba nila
na maging ina natin. Sumagot sila ng "oo" sa alok na iyon ng
Panginoon, kasabay ng paghahandog ng buo nilang sarili sa pag-aaruga at
pagpapalaki sa atin. Kaya reyna ng ating buhay ang ating mga ina.
Tinanggap ni Maria hindi lamang ang pag-aaruga sa kanyang Anak, kundi
pati na ang pagsubaybay sa pamayanang sinimulang ng kanyang Anak, na bago
niyang pamilya-ang Simbahan.
balik
calendario
Agosto
23
Sabado
Ika-20
na Linggo ng Taon
Rosa ng Lima
Unang
Pagbasa: Ez 43:1-7
Ebanghelyo: Mt 23:1-12
Sinabi ni
Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, "Ang mga guro ng Batas
at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang
lahat nilang sinasabi pero huwag silang pamarisan, sapagkat nagsasalita
sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin
at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos
ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitang-tao lamang ang lahat
nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto
nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawit sa kanilang balabal.
Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa
sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro
ng mga tao.
"Huwag kayong patawag na guro sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo
at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman
sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag
din kayong patawag na gabay sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay,
si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa
ang nagpapakataas at itataas ang nagpapakababa."
Pagninilay-nilay
Dating nurse sa Holland si Ben pero tinawag siya ng Diyos na maging
Little Brother of Jesus kaya iniwan niya ang maganda niyang trabaho sa
kanyang bansa at pumasok sa Kapatiran. Ipinadala siya dito sa atin upang
isabuhay at makiisa kay Jesus sa gawang-pagliligtas ayon sa buhay niya
sa Nazareth. May mga pari sa kanilang Kapatiran pero hindi sila nagmimisa
sa mga simbahan kundi nagtatrabaho sila bilang mga karaniwang manggagawa.
Kung anu-ano ngang trabaho ang pinasok ni Brother Ben: minsa'y nagtrabaho
siya bilang sepulturero, hardinero, at naging trabahador sa pabrika. Ngunit
maligaya siya dahil pobre ring manggagawa si Jesus na kanyang Kapatid.
balik
calendario
Agosto
24
Linggo
Ika-21
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Is 22:19-23
Aalisin
kita sa tungkulin,
at patatalsikin sa iyong puwesto.
Sa araw na iyo'y aking tatawagin
ang lingkod kong si Eliakim
na anak ni Helcias.
Daramtan ko siya ng iyong damit,
isusuot sa kanya ang iyong pamigkis,
isasalin sa kanya ang iyong kapangyarihan,
at siya'y magiging isang ama
para sa mga taga-Jerusalem at sa bayan ng Juda.
Ilalagay ko sa kanyang balikat
ang susi ng Bahay ni David:
sa buksan niya'y walang makapagsasara,
sa sarhan niya'y walang makapagbubukas.
Pababaunin ko siyang tulad ng pako sa matibay na pader,
at siya'y magiging luklukan ng karangalan
sa sambahayan ng kanyang ama.
Slm
138:1-2, 2-3, 6, 8
Ang awa mo, Panginoon, ay walang hanggan; huwag kaming pabayaan.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 11:33-36
O, di maubos
na yaman at di maisip na karunungan at kaalaman ng Diyos! Paano mauunawaan
ang kanyang mga pasya at madidiskubre ang kanyang mga daan! Totoo, Sino
ang nakaaalam sa isip ng Panginoon? Sino ang makapagpapayo sa kanya?
Sino ang unang makapagbibigay sa kanya at tatanggap ng kapalit? Mula sa
kanya ang lahat at siya ang may gawa ng lahat at para sa kanya ang lahat.
Sumakanya ang luwalhati magpakailanman. Amen!
Ebanghelyo:
Mt 16:13-20
Pumunta noon si Jesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang
kanyang mga alagad: "Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? Sino ako
para sa kanila?" Sumagot sila: "May nagsasabing si Juan Bautista
ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta
kaya."
Sinabi niya sa kanila: "Ngunit sino ako para sa inyo?" At sumagot
si Simon Pedro: "Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay."
Sumagot naman si Jesus: "Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman
at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit.
At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro (o Bato) at sa batong ito
ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan
ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang
itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito
sa lupa ay kakalagan din sa Langit."
At inutusan niya ang kanyang mga alagad na huwag sabihin kanino man na
siya nga ang Mesiyas.
Pagninilay-nilay
Mesiyas. Sa salitang Hebreo nakaugat ang salitang "mesiyas"
na "pinahiran" ang literal na kahulugan.
Kaugalian noon sa panahon ng Matandang Tipan na pinapahiran o binubuhusan
ng langis sa ulo ang hari o pari bilang tanda ng paghirang sa kanya ng
Diyos. At sa mahabang panahon ng kanilang paghihintay sa pagdating ng
Tagapagligtas, ginamit nila ang salitang "mesiyas" para sa inaasahan
nilang Manunubos.
Para sa atin, si Jesus ang pinahirang Tagapagligtas na hinirang ng Diyos
upang tubusin tayo. Madali nating nasasabi na si Jesus ang Manunubos pero
malinaw ba sa atin kung saan niya tayo tinubos at iniligtas?
balik
calendario
Agosto
25
Lunes
Ika-21
na Linggo ng Taon
Luis / Jose ng Calasanz
Unang
Pagbasa: 2 Tes 1:1-5, 11-12
Ebanghelyo: Mt 23:13-22
Sinabi ni
Jesus, "Kaya kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong
mga mapagkunwari! Isinara ninyo ang kaharian ng Langit sa harap ng mga
tao. Hindi kayo pumasok at hindi rin ninyo pinapasok ang mga makapapasok.
"Kawawa kayo, mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari.
Nililibot ninyo ang dagat at lupa para maghanap ng isang bagong tagapaniwala
at pagkapaniwala niya, ginagawa ninyo siyang anak ng impiyerno, na mas
masahol pa sa inyo.
"Kawawa kayong mga bulag na tagaakay! Sinasabi ninyong 'Walang bisa
kung sa Templo nanunumpa, pero may bisa kung sa ginto ng Templo.' Mga
bulag at baliw! Alin ba ang mas mahalaga? Ang ginto sa Templo o ang Templong
nagpabanal sa gintong ito? Ang sabi ninyo'y walang bisa kung sa altar
manunumpa pero may bisa kung sa handog na nasa altar. Mga bulag! Alin
ba ang mas mahalaga: ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog?
Ang manumpa sa ngalan ng altar ay dito at sa lahat ng nari-to nanunumpa.
Ang sinumang sumumpa sa Templo ay sumusumpa dito at sa Diyos na naninirahan
sa Templo. Ang sinumang manumpa sa ngalan ng Langit ay sa trono ng Diyos
at sa nakaupo rito nanunumpa."
Pagninilay-nilay
Mahirap na ang buhay kayat huwag na nating pahirapan pang lalo ang
ating mga sarili sa ating pagsasadiyos. Hindi dagdag na pahirap sa tao
ang hatid ni Jesus dahil Mabuting Balita ng paglaya ang kanyang ipanapahayag.
Pinalaya niya tayo sa mga kasalanan at ito ang mahirap tanggapin ng marami
sa atin. Paano tayo makapagsasadiyos kung walang mga batas at mga kautusan
na nagsasabi sa ating "Ganito dapat ang gawin mo," "Hindi
mo dapat gawin iyan"?
Ang totoo'y para sa kalayaan tayo pinalaya ni Jesus-paglaya mula sa ating
mga sarili at pamumuhay nang malaya nang walang anumang kinakapitan. Kayat
malaya tayong makalalapit at makasusunod kay Jesus.
balik
calendario
Agosto
26
Martes
Ika-21
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 2 Tes 2:1-3a, 14-17
Ebanghelyo: Mt 23:23-26
Sinabi ni Jesus, "Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo,
kayong mga mapagkunwari! Hindi ninyo nalilimutan ang mint, anis at kumino
sa pagbabayad ninyo ng ikapu ngunit hindi ninyo tinutupad ang pinakamahalaga
sa Batas: ang katarungan, awa at pananampalataya. Ito ang nararapat isagawa
na hindi kinakaligtaan ang iba. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo
ang lamok, pero nilulunok ang kamelyo.
"Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari!
Nililinis ninyo ang labas ng plato at kopa ngunit pinupuno naman ninyo
ang loob ng pagnanakaw at karahasan. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna
ang loob at lilinis din ang labas."
Pagninilay-nilay
Likas sa atin ang maghanap ng papuri mula sa ating kapwa dahil nakakagaan
ng loob kapag may naririnig tayong mabuti tungkol sa atin mula sa iba,
kahit na nga wala tayong anumang ipinagyayabang.
Sa pagkarinig natin ng mabubuting salita tungkol sa atin, aminin natin
at tanggapin ang mga iyon, at ipagpasalamat. Huwag sanang lumaki ang ating
mga ulo at huwag din nating hanapin ang mga iyon. Ngunit higit sa lahat,
makilala sana natin at matanggap nang lubos ang ating sarili-hindi lamang
kung ano ang mabuti at magaling sa atin kundi pati ang ating mga kahinaan
at mga pagkukulang.
balik
calendario
Agosto
27
Miyerkules
Ika-21
na Linggo ng Taon
Monica
Unang
Pagbasa: 2 Tes 3:6-10, 16-18
Ebanghelyo: Mt 23:27-32
Sinabi ni Jesus, "Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo,
kayong mga mapagkunwari! Para kayong mga pinaputing libingan na maganda
sa labas pero puno ng buto ng mga patay at ng iba pang karumihan ang loob.
Gayundin naman, mukha kayong mga taong banal ngunit puno naman ng pagkukunwari
at kasamaan ang kalooban.
"Kawawa kayong mga guro ng Batas at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari!
Nagtatayo kayo ng mga monumento para sa mga propeta at pinapalamutian
ang mga bantayog ng mga banal na tao. Sinasabi ninyo: 'Kung tayo ang nabuhay
sa panahon ng ating mga ninuno, hindi sana tayo sumang-ayon na patayin
ang mga propeta.' Kaya kayo ang umaamin na mga anak kayo ng mga pumatay
sa mga propeta. At ngayon, tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno!"
Pagninilay-nilay
Bukod sa problema sa asawa at biyenang babae, problema pa rin ni Monica
si Agustin na kanyang anak. Labimpitong taon niyang ipinagdarasal ang
kanyang anak sa Panginoon upang maging Kristiyano. Sa mahabang panahong
iyon, marami rin siyang hirap na dinanas. Gayon ang pagmamahal ng ina
para sa kanyang anak. At sumapit nga ang araw na nagpabinyag si Agustin
at magpasyang mabuhay para sa Diyos.
Huwaran ng mga ina si Sta. Monica. Hindi lamang buhay ang isinalin niya
sa kanyang anak na si San Agustin kundi pati ang kanyang pananampalataya.
Larawan siya kung paano maging mabuting ninuno sa pananampalataya.
balik
calendario
Agosto
28
Huwebes
Ika-21
na Linggo ng Taon
Agustin
Unang
Pagbasa: 1 Cor 1:1-9
Ebanghelyo: Mt 24:42-51
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kaya magbantay kayo sapagkat
hindi ninyo alam ang araw ng pagdating ng inyong Panginoon. Isipin ninyo
ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras ng gabi darating ang
magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya pababayaang pasukin ang bahay.
Kaya maging handa kayo sapagkat sa oras na hindi ninyo inaasahan darating
ang Anak ng Tao.
"Isipin ninyo ito: may tapat at matalinong katulong at sa kanya ipinagkatiwala
ng kanyang amo ang sambahayan nito para bigyan sila ng pagkain sa tamang
oras. Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad
sa kanyang tung-kulin, mapalad ang katulong na ito. Talagang sinasabi
ko sa inyo na ipagkakatiwala sa kanya ng amo ang lahat nitong pag-aari.
"Sa halip ay nag-iisip naman ang masamang katulong: 'Magtatagal ang
aking panginoon.' Kayat sinimulan niyang pagmalupitan ang mga katulong
na kasama niya samantalang nakikipagkainan at nakikipag-inumang kasama
ng mga lasing. Ngunit darating ang panginoon ng katulong na iyon sa oras
na di niya inaasahan at sa panahong di niya alam. Paaalisin niya ang katulong
na ito at pakikitunguhang gaya ng mga mapagkunwari. Doon nga may iyakan
at pagngangalit ng ngipin."
Pagninilay-nilay
Gaya ng damit na isinusuot pag may espesyal na okasyon at hinuhubad
naman pagkatapos ang tingin ng iba sa buhay-Kristiyano. Kristiyano sila
pag araw ng Linggo, lalo na sa kanilang pagsisimba pero pagsapit ng Lunes
hanggang Sabado, wala na silang pakialam kay Kristo. Debosyon lamang at
obligasyon ang pagkakristiyano kaya pagkasimba nila at matapos nilang
matupad ang kanilang obligasyon, nagtatapos na rin ang kanilang pagsasadiyos.
Pagsasabuhay ng ating sinasampalatayanan ang tunay na kahulugan ng pagiging
Krisitiyano. 24/7 na pamumuhay ito at pagsunod kay Jesus; pagsasagawa
ito ng ating pinaniniwalaan.
balik
calendario
Agosto
29
Biyernes
Pagpapakasakit
ni Juan, Ang Tagapagbinyag
Unang
Pagbasa: Jer 1:17-19
Ebanghelyo:
Mc 6:17-29
Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil
kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Pinakasalan ni
Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: "Hindi mo puwedeng
kasamahin ang asawa ng iyong kapatid." Talaga ngang matindi ang galit
ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa.
Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti
at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos
makinig kay Juan, gayunma'y gusto pa rin niyang marinig ito.
At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya
para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahalagang tao ng
Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman
sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita:
"Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo." At sinumpaan pa
niya ang pangakong ito: "Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo,
kahit na ang kalahati ng aking kaharian." Lumabas ang anak at tinanong
ang kanyang ina: "Ano ang hihingin ko?" At sumagot naman ito:
"Ang ulo ni Juan Bautista." Agad niyang pinuntahan ang hari
at sinabi: "Gusto kong ibigay mo agad sa akin ang ulo ni Juan Bautista
sa isang bandeha."
Nabalisa ang hari ngunit ayaw niyang tumanggi dahil sa sinumpaan niyang
pangako sa harap ng mga bisita. Kaya iniutos ng hari sa isa niyang guwardiya
na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay
sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay sa dalaga, at ibinigay naman
ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan,
dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.
Pagninilay-nilay
Pagkatapos ng rebolusyon sa China, pinilit noon ng pamahalaan na talikuran
ng mga pari at mga madre ang kanilang bokasyon. May ilan pa ngang mga
madre at mga pari na pinilit mabuhay bilang mag-asawa. Pero nang hindi
sila mapilit ng gobyerno na iwan ang pagsunod kay Jesus, ibinilanggo sila
nang walang anumang sala liban sa pagsampalataya at pagsunod sa Panginoon.
Marami sa kanila ang labis na naghirap sa pagkabilanggo nang kung ilang
pung taon ngunit nanatili naman silang matatag at tapat sa pananampalataya.
Salamat sa kanila dahil pinanatili nilang buhay ang pananampalataya sa
China. Idalangin natin na patuloy nawang magkaroon sa China ng kalayaan
sa pananampalataya.
balik
calendario
Agosto
30
Sabado
Ika-21
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: 1 Cor 1:26-31
Ebanghelyo: Mt 25:14-30
Sinabi ni
Jesus: Ipagpalagay natin na may isang tao, na bago mangibang-bayan ay
tinawag ang kanyang mga katulong at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang
mga ari-arian. Limang talentong pilak ang ibinigay niya sa una, dalawa
naman sa isa pa, at isa sa pangatlo, batay sa kaya ng bawat isa. At saka
siya umalis.
"Agad na ipinagnegosyo ito ng nakatanggap ng limang talento at kumita
ng lima pa. Nagnegosyo rin ang nakatanggap ng dalawa at kumita ng dalawa
pa. Humukay naman sa lupa ang may isang talento at itinago ang pilak ng
kanyang amo.
"Pagkaraan ng matagal na panahon, bumalik ang amo ng mga katulong
na ito at hiningan sila ng pagsusulit. Kaya lumapit ang nakatanggap ng
limang talento dala ang tinubong lima pang bareta, at sinabi: 'Panginoon,
ipinagkatiwala mo ang limang bareta sa akin, at tingnan mo, tumubo pa
ako ng limang talento.' Sumagot ang amo: 'Mabuti, mabait at matapat na
katulong; dahil naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita
ng higit pa rito. Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.'
"Lumapit naman ang may dalawang talento at nagsabi: 'Panginoon, ipinagkatiwala
mo ang dalawang talento sa akin, at ngayo'y tumubo pa ako ng dalawang
talento.' Ang sabi ng amo: 'Mabuti, mabait at matapat na katulong; dahil
naging tapat ka sa kaunting bagay, pagkakatiwalaan kita ng higit pa rito.
Halika at makibahagi sa kaligayahan ng iyong panginoon.'
"Sa bandang huli, dumating ang nakatanggap ng isang talento at nagsabi:
'Panginoon, alam kong mahigpit kang tao. Inaani mo ang di mo itinanim
at nililikom ang hindi mo ipinagnegosyo. Natakot ako kaya itinago ko ang
iyong talento sa lupa. Heto ang sa iyo.' Ngunit sinagot siya ng kanyang
amo: 'Masama at walang kuwentang katulong, alam mo palang inaani ko ang
hindi ko itinanim at nililikom ang hindi ko ipinagnegosyo. Sana'y dinala
mo sa bangko ang aking pilak at mababawi ko ang sa akin pati na ang tubo
pagdating ko.
Kaya kunin ang talento sa kanya at ibigay ito sa may sampu pa. Sapagkat
sa sinumang meron, bibigyan pa siya at magkakaroon nang sagana; ngunit
ang wala, maging ang sa kanya ay aagawin sa kanya. Para sa walang silbing
katulong, itapon siya sa dilim kung saan may iyakan at pagngangalit ng
ngipin.'"
Pagninilay-nilay
Para sa isang manunulat, likas para sa kanya ang magsulat kung paanong
natural para sa isang gitarista ang maggitara, o sa isang basketball player
ang magbasketbol. May kanya-kanyang talino ang bawat isa pero hindi magiging
kakayahan ang anumang talino kung hindi natin sasanayin ang ating mga
sarili upang matuto tayo at maging magaling sa kaya nating gawin. Nasasaatin
kung gugustuhin nating magpakahusay o hindi sa talinong meron tayo. Puwede
rin nating tanggihan ang anumang talino tulad ng pagtanggi natin sa inireregalo
sa atin. Sayang dahil sa oras na tanggihan natin ang talinong kaloob sa
atin ng Diyos, tiyak na mawawala iyon sa atin.
balik
calendario
Agosto
31
Linggo
Ika-22
na Linggo ng Taon
Unang
Pagbasa: Jer 20:7-9
Yawe, inakit
mo ako at nagpaakit naman ako.
Pinilit mo ako at ikaw ang nanaig.
Maghapon akong pinagtatawanan,
nililibak ako ng lahat.
Wala na akong ibang salita
kundi pahayag ng karahasan at pagnanakaw.
Pag-uyam at paghamak sa buong maghapon ang hatid sa akin ng salita ni
Yawe.
Kaya ipinasya kong limutin siya
at huwag nang magsalita sa ngalan niya.
Ngunit para itong apoy sa aking puso
na nakabilanggo sa aking mga buto.
Pinili kong sikilin ito ngunit hindi ko magawa.
Slm
63:2, 3-4, 5-6, 8-9
Nauuháw sa iyo ang aking kaluluwa, O Diyos na aking Panginoon.
Ikalawang
Pagbasa: Rom 12:1-2
Hinihiling
ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa kagandahang-loob ng Diyos, na
ia-lay ninyo sa Diyos ang sarili bilang haing buhay at banal at nakalulugod
sa kanya: ito ang pagsamba ng taong may-isip. Huwag kayong pahubog sa
daigdig na ito; ang pagbabagong-loob ang magbabagong-anyo sa inyo. Kaya
malalaman ninyo ang kagustuhan ng Diyos, at kung ano ang mabuti, ang buo
at ganap at nakalulugod sa kanya.
Ebanghelyo:
Mt 16:21-27
Mula sa araw na iyon, ipinaalam ni Jesucristo sa kanyang mga alagad na
kailangan siyang pumunta sa Jerusalem: pahihirapan siya ng mga Matatanda
ng mga Judio, ng mga punong-pari at ng mga guro ng Batas. Papatayin siya
at muling babangon sa ikatlong araw.
Dinala naman siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagsabihan: "Huwag
sana, Pa-nginoon! Hindi ito puwede." Ngunit hinarap ni Jesus si Pedro
at sinabi sa kanya: "Sa likod ko, Satanas! At baka mo pa ako tisurin.
Hindi sa Diyos galing ang iyong iniisip kundi mula sa tao."
At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: "Kung may ibig sumunod
sa akin, itakwil ang kanyang sarili at kunin ang kanyang krus para sumunod
sa akin. Sapagkat ang naghahangad na magligtas ng kanyang sarili ang mawawalan
nito ngunit ang naghahangad na mawalan ng sarili alang-alang sa akin ang
makakatagpo nito.
"Ano ang pakinabang ng tao tubuin man niya ang buong daigdig kung
sarili naman niya ang mawala? Ano ang maibibigay niya para mabawi ito?
"Darating nga ang Anak ng Tao taglay ang kaluwalhatian ng kanyang
Ama at kasama rin ang kanyang mga banal na anghel, at doon niya gagantimpalaan
ang bawat isa ayon sa kanyang mga gawa."
Pagninilay-nilay
Tubo. Matagal-tagal na panahon din ang kailangan ng mga negosyante
bago sila tumubo mula sa kanilang pinuhunan sa pagsisimula ng kanilang
negosyo. At kahit na gaano sila kagaling sa negosyo, hindi pa rin sila
lubos na nakatitiyak na tutubo sila nang malaki at hindi malulugi.
Sa kalagayang ito ng pagnenegosyo iniuugnay ni Jesus ang pagsunod sa kanya.
Sa pag-sunod natin kay Jesus, ang ating buong sarili ang itinataya natin
bilang puhunan. Meron naman sa atin na iba ang gustong negosyohin. Pero
ano ang silbi ng iyong negosyo, kahit na nga ikaw pa ang maging pinakamatagumpay
sa lahat, kung sarili mo naman ang mapa-hamak at mawala?
balik
calendario
Copyright
© 2008 by Claretian Publications
A division of Claretian Communications Foundation, Inc.
U.P. P.O. Box 4 Diliman, 1101 Quezon City, Philippines
Tel. (632) 921-3984 Fax: (632) 921-7429 or 921-6205
Email: cci@claret.org
|