Pandesal 2008
Pagbasa at Pagninilay-nilay

HULYO  2008
Domingo
Lunes
Martes
Miyerkules
Huwebes
Biyernes
Sabado


Download Hulyo 2008

Hulyo 1
Martes

Ika-13 na Linggo ng Taon
Junipero Serra

Unang Pagbasa: Am 3:1-8; 4:11-12
Ebanghelyo: Mt 8:23-27

Sumakay si Jesus sa bangka at sumunod sa kanya ang mga alagad niya. Walang anu-ano'y nagkaroon ng malakas na bagyo sa lawa at parang matatabunan na ng mga alon ang bangka. Ngunit tulog si Jesus.
Ginising siya nila na sumisigaw: "Panginoon, saklolo! Mamamatay tayo!" At sinabi ni Jesus: "Ba't kayo natatakot, kayong napakaliit ng paniwala?" Bumangon siya at inutusan ang mga alon at hangin, at tumahimik ang lahat.
Nagulat ang mga tao at sinabi nila: "Anong klaseng tao ito? Sumusunod sa kanya pati mga hangin at dagat."

Pagninilay-nilay
Natutulog ba ang Diyos? Sa dami ng problema natin sa buhay, na parang sapin-sapin at walang katapusan, madalas nating itinatanong kung natutulog ba ang Diyos. Nararamdaman natin na para bang nakalimutan na niya tayo dahil hindi naman tayo nagkukulang sa pagtawag sa kanya. Pero bakit mabigat pa rin ang pasan natin sa buhay?
Hindi natutulog ang Diyos at lagi rin niyang tinutugon ang ating mga panalangin. Maaaring tayo ang hindi nakakarinig sa kanyang sinasabi sa atin dahil may tatlong sagot na puwedeng pagpilian ang Diyos: oo, hindi, at teka muna. At malaya niyang masasagot ang iyong panalangin ayon sa kanyang kalooban.

balik calendario


Hulyo 2
Miyerkules

Ika-13 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Am 5:14-15, 21-24
Ebanghelyo: Mt 8:28-34

Pagdating ni Jesus sa lupain ng Gadara sa kabilang ibayo, sinalubong siya ng dalawang lalaking inaalihan ng demonyo, na galing sa mga libingan. Napakabangis nila kayat walang makadaan doon. Bigla silang sumigaw: "Ano ang kailangan mo sa amin, ikaw na Anak ng Diyos! Pumarito ka ba para pahirapan kami bago sumapit ang panahon?"
Sa may di-kalayua'y maraming baboy na nanginginain. Kaya hiniling sa kanya ng mga demonyo: "Kung palalayasin mo kami, ipadala mo kami sa mga baboy." Sinabi ni Jesus sa kanila: "Umalis kayo." Kaya pagkalayas ng mga demonyo'y pumasok ang mga ito sa mga baboy-at hayun! nahulog sa bangin lahat ng baboy papuntang dagat, at nalunod na lahat.
Tumakas naman ang mga nagbabantay sa mga baboy. Pagdating nila sa bayan, ipinamalita nila ang lahat at kung ano ang nangyari sa mga inaalihan ng mga demonyo. Kaya lumabas ang buong bayan para salubungin si Jesus, at pagkakita nila sa kanya, hiniling nilang umalis siya sa kanilang lugar.

Pagninilay-nilay
Sa pelikulang "Chocolat," dumating si Vianne at ang kanyang anak sa maliit na bayan sa Pransiya. Katoliko ang lahat ng tagaroon sa pangunguna ng kanilang alkalde. Ngunit hindi lamang walang relihiyon si Vianne kundi wala rin siyang asawa. Panahon ng Kuwaresma siya dumating pero nagbukas siya ng tindahan ng tsokolate. Makikita sa istorya kung gaano kadali para sa mga Katoliko-sarado ang maging mga deboto sa kanilang pagsasadiyos at kalimutan ang pagpapakatao at pakikipagkapwa. Sa simula'y gusto siyang paalisin ng mga tagaroon. Ngunit sa dakong huli, nakita nilang mas Kristiyano pa siya kaysa kanila dahil sa kanyang pagpapakatao.

balik calendario


Hulyo 3
Huwebes

Ika-13 na Linggo ng Taon
Tomas, Apostol

Unang Pagbasa: Ef 2:19-22
Ebanghelyo: Jn 20:24-29

Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang du-mating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: "Nakita namin ang Panginoon!" Sinabi naman niya: "Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!"
Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna.
At sinabi niya: "Kapayapaan sa inyo!" At sinabi niya kay Tomas: "Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!"
Sumagot si Tomas sa kanya: "Panginoon ko at Diyos ko-ikaw!" Sinabi sa kanya ni Jesus: "Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala."

Pagninilay-nilay
Naging bahagi ng bokabularyo sa wikang Ingles ang mga katagang "doubting Thomas," na ginagamit para sa sinumang madalas mag-alinlangan.
Hindi masama at hindi rin kasalanan ang mag-alinlangan. Mga taong nag-iisip lamang ang nag-aalinlangan. Tanda ng pagiging buhay ng iyong paniniwala kapag nag-aalinlangan ka; nangangahulugan lamang ito na naghahanap ka ng paliwanag sa iyong mga pinaniniwalaan dahil gusto mong maunawaan ang mga bagay-bagay. Sa ganitong mga pagkakataon tayo dapat tumawag sa Panginoon upang ipadala niya sa atin ang kanyang Espiritu at tanglawan ang ating isipan. Hilingin natin sa kanya na patatagin ang ating pananampalataya.

balik calendario


Hulyo 4
Biyernes

Ika-13 na Linggo ng Taon
Isabel ng taga-Portugal

Unang Pagbasa: Am 8:4-6, 9-12
Ebanghelyo: Mt 9:9-13

Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: "Sumunod ka sa akin." At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: "Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang in-yong guro?"
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: "Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit. Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng 'Awa ang gusto ko, hindi handog.' Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan."

Pagninilay-nilay
Ano ang gagawin mo kung habang nakaupo ka sa opisina o sa lugar na pinagtatrabahuhan mo eh biglang dumating si Jesus at tinawag ka? Kaya mo ba ang ginawa ni Mateo na tumayo at iniwan ang anumang ginagawa niya at sumunod kay Jesus? O sasabihin mo kay Jesus na sandali muna para makapag-isip ka at makapagpaalam sa lahat? Iba ang pagtawag ng Diyos. May mga taong matigas ang kalooban sa tawag ng Diyos kaya hindi nila mapaunlakan ang paanyaya ng Panginoon sa kanila. May pagkakataon naman na walang anumang magagawa ang tinatawag ng Panginoon kundi sumunod sa Salita ng Diyos. Ano naman ang dating sa iyo ng pagtawag ng Diyos?

balik calendario


Hulyo 5
Sabado

Ika-13 na Linggo ng Taon
Antonio Maria Zaccaria

Unang Pagbasa: Am 9:11-15
Ebanghelyo: Mt 9:14-17


Noo'y lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan at nagtanong: "May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?"
Sinagot sila ni Jesus: "Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.
"Walang magtatagpi ng bagong pirasong tela sa lumang balabal sapagkat uurong ang tagpi at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputok ang mga sisidlan at matatapon ang alak at masisira rin ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan dapat ilagay ang bagong alak; sa gayo'y pareho silang tatagal."

Pagninilay-nilay
Bagong daan ng buhay at pagsasadiyos ang hatid ni Jesus sa atin kaya tinawag na Bagong Tipan ang ikalawang bahagi ng ating Biblia. Pero may kung anong pang-akit ang dati at luma kaya pilit tayong bumabalik sa mga kaugalian ng Unang Tipan.
Kung babasahin nating mabuti at iisa-isahin ang mga ginawa ni Jesus na dahilan ng mga akusasyon sa kanya ng mga Pariseo at mga dalubhasa sa Kasulatan nang panahong iyon, at ihahambing ang mga iyon sa mga ginagawa natin sa ngayon bilang mga alagad ni Jesus, makikita nating mas malapit tayo sa kaugalian ng mga Pariseo at mga guro ng Batas.

balik calendario


Hulyo 6
Linggo

Ika-14 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Zec 9:9-10

Magalak kang lubos, Dalagang Sion!
Sumigaw, Dalagang Jerusalem!
Dumarating ngayon ang inyong hari,
matuwid at matagumpay,
pakumbaba at sakay sa asno
sa bisirong anak ng babaeng asno.
Wala nang mga karwahe sa Efraim,
wala nang mga kabayo sa Jerusalem,
pagkat aalisin niya ang mga iyon.
Sisirarin ang pana ng mandirigma
kapag pinatahimik niya ang mga bansa.
Maghahari siya sa magkabilang-dagat,
mula sa Ilog hanggang sa dulo ng daigdig.

Slm 145:1-2, 8-9, 10-11, 13-14
Pupurihin ko ang iyong ngalan magpakailan man, O aking Diyos at Hari.

Ikalawang Pagbasa: Rom 8:9, 11-13

Mga kapatid, wala nga kayo sa ilalim ng laman kundi sa espiritu dahil sa inyo nananahan ang Espiritu ng Diyos.
Kung wala ang Espiritu ni Kristo sa sinuman, hindi siya kay Kristo.
At kung nasa inyo ang Espiritu ng nagpabangon kay Jesus mula sa mga patay, bubuhaying muli ng nagpabangon kay Kristo mula sa mga patay ang inyong mga may kamatayang katawan sa bisa ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
Kaya, mga kapatid, hindi na tayo utusan ng laman; huwag kayong mabuhay ayon sa laman. Kung nabubuhay kayo ayon sa laman, mamamatay kayo; kung papatayin na-man ninyo ang mga gawa ng laman sa bisa ng espiritu, mabubuhay kayo.

Ebanghelyo: Mt 11:25-30

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: "Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.
"Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin."

Pagninilay-nilay
Pamatok. Hindi sinaunang salita ang "pamatok"; dahil marami sa atin ang walang alam sa pagsasaka kaya hindi natin alam ang kahulugan nito. Para sa batok ang ibig sabihin nito-"pambatok." Ito ang ipinapatong sa batok ng baka (o kalabaw) para hilahin ang araro habang sumusunod ito sa gusto ng magsasakang nasa likod nito.
Grasya ng Diyos ang pagsunod kay Jesus. Magaan ito sa loob at hindi parang may kung anong mabigat na pasanin sa buhay. Para sa mga tunay na Kristiyano, maginhawa para sa kanila ang pagsasabuhay ng pananampalataya kaya wala silang panahon para sumima-ngot kundi lagi silang nakangiti.

balik calendario


Hulyo 7
Lunes

Ika-14 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Os 2:16, 17c-18, 21-22
Ebanghelyo: Mt 9:18-26

Habang nagsasalita si Jesus, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: "Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika at ipatong ang iyong mga kamay at siya'y mabubuhay." Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati ang kanyang mga alagad.
Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus sapagkat naisip niya: "Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako." Lumingon si Jesus, nakita niya siya at sinabi: "Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig." At gumaling ang babae sa sandaling iyon.
Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: "Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog." Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.

Pagninilay-nilay
Minamaliit natin ang pagsasadiyos ng mga Katolikong mahilig magpunas at humalik sa mga santo at santa pero narito ang isang babaeng may gayon ding paniniwala-mahipo man lang niya ang laylayan (sa totoo'y mga palawit) ng damit ni Jesus, naniniwala siyang gagaling siya!
Marumi ang turing sa kanya dahil dinudugo siya kaya nilalayuan siya ng lahat upang huwag mahawa sa kanyang karumihan. Nagiging marumi rin sinumang humawak sa kanya o sinumang hawakan niya. Sa pagpapakatao ni Jesus, lumapit siya sa atin at niyakap tayo upang tanggapin sa kanyang sarili ang ating karumihan at kahinaan.

balik calendario


Hulyo 8
Martes

Ika-14 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Os 8:4-7, 11-13
Ebanghelyo: Mt 9:32-38

May nagdala naman kay Jesus ng lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalayas niya ang demonyo, nakapagsalita ang pipi kaya namangha ang mga tao at kanilang sinabi: "Wala pang nangyaring ganito sa Israel." Ngunit sinabi naman ng mga Pariseo: "Nagpapalayas siya ng demonyo sa tulong ng pinuno ng mga demonyo."
At nilibot ni Jesus ang mga bayan at mga nayon; nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga, nagpapahayag ng Mabuting Balita ng Kaharian at nagpapagaling ng lahat ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang makapal na tao, naawa siya sa kanila sapagkat hirap sila at lupaypay na parang mga tupang walang pastol. At sinabi niya sa kanyang mga alagad: "Marami nga ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa. Idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani."

Pagninilay-nilay
Itinatag ang Samahan ni San Edmundo noong 1843 sa Pransiya pero dahil sa rebolusyon doon, naging mga refugee sa Canada ang mga pari at brother ni San Edmundo hanggang sa Estados Unidos nila inilipat ang kanilang generalate.
Mahigit na sandaang taon na ang kanilang samahan ngunit aapatnapung pari at brother lamang sila sa buong mundo. Pero kahit na kakaunti sila, patuloy silang naglilingkod sa mga parokya, eskuwelahan at iba pang gawain sa USA, Canada at Venezuela.
Ipanalangin natin sa araw na ito ang Samahan ni San Edmundo upang magpadala ang Panginoon ng mga bagong bokasyon sa kanilang kapatiran.

balik calendario


Hulyo 9
Miyerkules

Ika-14 Linggo ng Taon
Augustine Zhao Rong

Unang Pagbasa: Os 10:1-3, 7-8, 12
Ebanghelyo: Mt 10:1-7

Tinawag ni Jesus ang labindalawa niyang alagad at binigyan sila ng kapangyarihan sa maruruming espiritu para palayasin ang mga ito at pagalingin ang lahat ng sakit at karamdaman.
Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: una, si Simong tinatawag na Pedro, at ang kanyang kapatid na si Andres; si Jaime na anak ni Zebedeo, at ang kapatid nitong si Juan; sina Felipe at Bartolome, Tomas at Mateo, na tagasingil ng buwis; si Jaimeng anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simong Kananeo, at si Judas Iskariote na magkakanulo sa kanya.
Sinugo ni Jesus ang labindalawang ito at pinagbilinan: "Huwag kayong lumiko papunta sa mga pagano at huwag pumasok sa bayang Samaritano. Hanapin ninyo ang nawawalang tupa ng sambayanan ng Israel.
"Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong paglalakbay: 'Palapit na ang kaharian ng Langit.'"

Pagninilay-nilay
Labindalawang tribu ang bumubuo sa bansang Israel, na bayang pinili ng Diyos na maging kanya, kaya labindalawa rin ang tinawag ni Jesus na maging mga apostol. Sila ang isinugo niya upang kasama niyang ipahayag ang Ebanghelyo ng pagmamagandang-loob ng Diyos sa tao.
Makikibahagi sila sa gawaing sinimulan ni Jesus at sila rin ang magpapatuloy nito sa hinaharap. Nasa pagtawag na ito sa kanila bilang mga apostol ang simula ng Simbahan, na siyang bagong bayan ng Diyos. Ito ang pamayanan ng mga tinawag ng Panginoon na sumusunod at nagpapatuloy sa kanyang daan. At tayo ang bumubuo sa bayang ito.

balik calendario


Hulyo 10
Huwebes

Ika-14 Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Os 11:1, 3-4, 8e-9
Ebanghelyo: Mt 10:7-15

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Ipahayag ang mensaheng ito sa inyong pag-lalakbay: 'Palapit na ang kaharian ng Langit.' Pagalingin ang maysakit, buhayin ang patay, linisin ang mga mayketong at palayasin ang mga demonyo. Tinanggap ninyo ito nang walang bayad kaya ibigay rin ninyo nang walang bayad. Huwag magdala ng ginto, pilak o pera sa inyong mga bulsa. Huwag magdala ng balutan o sobrang damit o sandalyas o tungkod sapagkat may karapatan ang manggagawa sa kanyang ikabubuhay.
"Pagdating n'yo sa isang bayan o baryo, maghanap ng taong karapat-dapat at makituloy sa kanya hanggang sa inyong pag-alis.
"Pagpasok ninyo sa isang tahanan, dasalan ito ng kapayapaan. Kung karapat-dapat ang sambahayang ito, sasakanila ang kapayapaang dinasal ninyo; kung hindi naman karapat-dapat, babalik sa inyo ang inyong dasal.
"At kung may bahay o bayang hindi tatanggap sa inyo o makikinig sa inyong mga salita, lumabas sa bahay o bayang iyon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa. Sinasabi ko sa inyo, mas magiging magaan pa sa araw ng paghuhukom para sa mga taga-Sodom at Gomorra kaysa bayang iyon."

Pagninilay-nilay
Marami ang nagpupunta sa bahay ni Aling Cely mula nang mabalitang sinasapian daw siya ng Nazareno o Santo Niño, o kung minsa'y ng Mahal na Birhen. Nabubuwal si Aling Cely at naninigas at nag-iiba ang boses. At ayon sa mga nakasaksi, ang Nazareno raw ang sumasapi sa kanya pag malaki ang boses at hindi mabuhat ng mga tao si Aling Cely. Ang Santo Niño naman daw kung maliit ang boses at magaan si Aling Cely. At ang Mahal na Birhen daw ang sumasapi sa kanya kung hindi siya nabubuwal kundi parang nawawala lang sa sarili. Marami rin daw siyang napapagaling at hindi siya nagpapabayad ng anuman sa kanyang mga natutulungan liban sa kusang-loob na abuloy sa kanyang donation box.

balik calendario


Hulyo 11
Biyernes

Ika-14 Linggo ng Taon
Bernabe

Unang Pagbasa: Os 14:2-10
Ebanghelyo: Mt 10:16-23

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Isinusugo ko kayo ngayon na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Maging matalino nawa kayo gaya ng mga ahas at walang-malay na parang mga kalapati.
"Mag-ingat sa mga tao; ibibigay nga nila kayo sa mga sanggunian at hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin din nila kayo sa mga pinuno at mga hari dahil sa akin, at dapat kayong magbigay-patotoo sa kanila at sa mga pagano.
"Pag nilitis naman kayo, huwag mag-alala sa inyong sasabihin; sa oras na iyo'y ibibigay nga sa inyo ang inyong sasabihin. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.
"Ipapapatay ng kapatid ang sariling kapatid, ng ama ang kanyang anak, at isasakdal ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay sila. Kamumuhian kayo ng lahat dahil sa akin ngunit ang mananatiling matatag hanggang wakas ang siyang maliligtas.
"Pag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa iba. Sinasabi ko sa inyo, bago ninyo matapos daanan ang lahat ng bayan sa Israel, darating na ang Anak ng Tao."

Pagninilay-nilay
Sa orihinal na salitang Griyego, hindi pagpapakamartir ang ibig sabihin ng salitang "martir" kundi pagpapatotoo o pagsaksi. Ngunit dahil sa sinapit na pagkamartir ng mga unang Kristiyano na nagpatotoo sa kanilang pananampalataya, nagkaroon ng iba at bagong kahulugan ang salitang martir, na siya nating pagkaintindi ngayon.
Hindi natin pansin na marami pa ring mga Kristiyano sa iba't ibang lugar sa mundo ang inuusig at nagiging martir dahil sa pagsasabuhay nila at pagpapatotoo sa kanilang pananampalataya. Sa araw na ito, makiisa tayo sa kanila at ibuklod ang ating mga sarili sa kanilang paghihirap.

balik calendario


Hulyo 12
Sabado

Ika-14 Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 6:1-8
Ebanghelyo: Mt 10:24-33


Sinabi ni Jesus sa kanyang mga apostol, "Hindi daig ng alagad ang kanyang guro, o ng utusan ang kanyang amo. Sapat nang tularan ng alagad ang kanyang guro, at ng utusan ang kanyang amo. Kung tinawag na Beelzebul ang may-ari ng bahay, ano pa kaya ang kanyang mga kasambahay! Kaya huwag kayong matakot sa kanila.
"Walang tinatakpan na di nabubunyag at walang natatago na di nahahayag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim, ipahayag ninyo sa liwanag. Ang narinig ninyo nang pabulong, ipahayag mula sa bubong.
"Huwag matakot sa mga nakapapatay ng katawan ngunit hindi ng kaluluwa. Matakot kayo sa may kapangyarihang sumira ng kaluluwa pati ng katawan sa impiyerno. Nabibili ang maya nang dalawa isang pera, pero wala isa mang bumabagsak sa lupa na hindi niloloob ng Ama. At kayo, bilang na pati buhok sa inyong ulo. Kaya huwag kayong matakot: mas mahalaga kayo kaysa mga maya.
"Ang sinumang kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin ko sa harap ng aking Ama sa Langit. At ang ayaw kumilala sa akin sa harap ng mga tao ay hindi ko rin kikilalanin sa harap ng aking Ama sa Langit."

Pagninilay-nilay
Marami tayong kinatatakutan at pinangangambahan sa buhay. Pinoproblema natin ang hinaharap at kung anu-anong maaaring mangyari ang iniisip natin. Takot tayong mawalan ng trabaho at maubusan ng pera, takot tayong magutom at maghirap sa buhay. Marami sa atin ang nangangamba sa paglaganap ng digmaan at kaguluhan sa iba't ibang bansa, at pati na dito sa atin. Pinoproblema rin natin ang sitwasyon ng ating bansa na sa kabila ng likas na yaman at sipag ng mga mamamayan ay patuloy pa ring naghihirap. Sa lahat ng takot natin at pangamba, patuloy na sinasabi sa atin ni Jesus, "Huwag kang matakot"-ito ang paulit-ulit niyang sasabihin sa atin sa Ebanghelyo.

balik calendario


Hulyo 13
Linggo

Ika-15 Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 55:10-11

Bumababa buhat sa langit ang ulan at niyebe at di nagbabalik doon hangga't ang lupa'y di nadidilig at pinasisibol at pinasusupling hanggang mamunga ng mga butong panghasik at tinapay na pagkain, gayundin naman ang aking salita na lumalabas sa aking bibig: hindi iyon babalik sa akin nang walang nagagawa kundi gagawin nito ang aking nais at tutuparin kung bakit ko ito isinugo.

Slm 65:10, 11, 12-13, 14
Ang nahulog na binhi sa mabuting lupa ay nagbunga.

Ikalawang Pagbasa: Rom 8:18-23

Sa palagay ko'y hindi maihahambing ang kasalukuyan nating tinitiis sa mahahayag na kaluwalhatiang laan para sa atin. Nananabik nga ang sangkinapal; pinananabikan nito na ipakita nang buong liwanag ang mga anak ng Diyos. Nagpapaalipin ang sangkinapal sa walang saysay, hindi kusang-loob kundi dahil sa lumupig dito. Ngunit may pag-asa ito: pati ang sangkinapal ay ililigtas sa pagkaalipin sa mga puwersa ng kabulukan at makikibahagi sa laya at luwalhati ng mga anak ng Diyos. Alam natin na hanggang ngayo'y dumaraing ang sangkinapal dahil sa kirot ng panganganak. At tayo mismo'y dumaraing din sa ating kalooban pagkatanggap natin ng unang bahagi ng espiritu; pinananabikan natin ang pagiging mga anak.

Ebanghelyo: Mt 13:1-23

Umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.
At sinabi ni Jesus: "Lumabas na ang maghahasik para maghasik. Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon. Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!"
Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad at nagtanong: "Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?"
Sumagot si Jesus: "Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Langit, ngunit hindi sa kanila. Sapagkat ang meron ay bibigyan pa at sasagana pa siya. Ngunit ang wala ay aagawan pa ng nasa kanya na. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakakaunawa.
Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: "Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita.
Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tainga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang puso, upang bumalik sila at pagalingin ko sila."
Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.
Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.
Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik.
Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan.
Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod.
Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita.
Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu."

Pagninilay-nilay
Hasik. May mga lugar na inihahasik ng magsasaka ang mga buto sa halip na patubuin muna ang mga iyon at saka ilipat ng taniman pagkatapos. Kayat parang suwertehan lang ang paghahasik. Parepareho ang mga binhing inihahasik at nagkakaiba lang ng kahihinatnan ayon sa kung saan ito mahulog.
Ganito rin ang salita ng Diyos. Kung ilang libong taon na itong ipinahahayag at hindi naman ito nagbabago-ito rin ang Salita ng Diyos na narinig ng mga unang martir, at ng mga santo at santa. Ito ang Salita ng Diyos na nagtulak sa kanila sa pagbabagumbuhay at pagpapakabayani. Ano naman ang dating ng salitang ito sa atin ngayon?

balik calendario

Hulyo 14
Lunes

Ika-15 Linggo ng Taon
Camilo ng Lellis/Kateri Tekakwitha

Unang Pagbasa: Is 1:10-17
Ebanghelyo: Mt 10:34-11:1


Sinabi ni Jesus sa kanyang mga apostol, "Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay.
"Ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. At ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagpapahalaga sa kanyang sarili ang siyang mawawalan nito, at ang nawawalan naman ng kanyang sarili ang siyang makakatagpo nito.
"Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap din niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala."
Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.

Pagninilay-nilay
Anong klase ng kapayapaan meron sa ating mundo o mga pamilya? Kapayapaan ba kung walang gulo o di-pagkakaunawaan kaya sinasabi nating payapa ang lahat? Hindi ganitong kapayapaan ang hatid ni Jesus.
Kung may taong lubos na naninindigan sa kanyang pagsunod kay Jesus, tiyak na marami ang di sasang-ayon sa kanyang pamumuhay kayat hindi magiging payapa ang kanyang kapaligiran. Marami ang nagsasabi na sumunod ka na lamang sa agos o kaya'y tumahimik ka na lamang at magsawalang-kibo para wala nang anumang gulo. Paano makasusunod at makapagsasawalang-kibo ang Kristiyano sa harap ng kasinungalingan at kawalang-katarungan?

balik calendario


Hulyo 15
Martes

Ika-15 Linggo ng Taon
Buenaventura

Unang Pagbasa: Is 7:1-9
Ebanghelyo: Mt 11:20-24

Sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kan-yang mga himala sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: "Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.
"At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom.
"Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo."

Pagninilay-nilay
Paano naging napakaunlad ng bansang Hapon samantalang lubos na pagkawasak ang sinapit niyon sa mga Kano sa pagtatapos ng World War II? Paano umunlad ang Hong Kong at China samantalang noong araw eh mga Intsik ang mga "amah" (katulong) ng mga maykaya dito sa atin? Paano nakaahon sa karukhaan ang Thailand na dati'y kasimpobre lamang ng Pilipinas?
Bakit hanggang ngayo'y Pilipinas pa rin ang naiiwan sa pag-unlad ng mga bansa? Ano't lalo pa ring naghihirap ang mga dukha habang lalo namang yumayaman ang mga maykaya at mga pulitiko?
At Pilipinas lamang ang Katolikong bansa sa mga bansang ating nabanggit.

balik calendario

Hulyo 16
Miyerkules

Ika-15 Linggo ng Taon
Mahal na Birheng Maria ng Carmel
Pagtatatag ng Kapatirang Claretiano

Unang Pagbasa: Is 10:5-7, 13
Ebanghelyo: Mt 11:25-27

Nagsalita si Jesus sa isang pagkakataon, "Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo.
"Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak."

Pagninilay-nilay
Hulyo 16, 1849, pinulong ni San Antonio Maria Claret ang mga paring kasama niya at nagkasundo silang simulan ang Kapatiran ng mga Misyonerong Anak ng Kalinis-linisang Puso ni Maria. At kahit na iilan lamang sila noon, sinabi ni San Antonio Claret, "Ngayon, malaki at dakilang gawain ang sinisimulan natin."
Nabuhay sila sa gitna ng magulong kasaysayan ng Espanya nang panahong iyon ngunit nagpatuloy ang gawaing kanilang sinimulan sa mahigit-kumulang na 3,000 pari at brother sa 65 bansa. Pag-ibig ni Kristo ang nagtutulak sa kanila upang ipahayag ang Salita ng Diyos sa anumang posibleng paraan ayon sa pinakanapapanahon, pinakamabisa at pinakakailangan.

balik calendario

Hulyo 17
Huwebes

Ika-15 Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 26:7-9, 12, 16-19
Ebanghelyo: Mt 11:28-30

Nagwika si Jesus, "Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin, akong mahinahon at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mahusay ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin."

Pagninilay-nilay
Panginoon, pagod na pagod na ako. Araw-araw akong pumapasok sa trabaho mula umaga hanggang gabi. Ni wala kaming panahon ng aking pamilya para magrelax nang sama-sama. Para bang sa hanapbuhay na lang lahat ang aming gawain. Pero ano ang gagawin ko?
Pag nakikita ko ang aking mga anak, wala akong ibang naiisip kundi ang mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan. Alam mo, Panginoon, na hindi para sa akin ang lahat ng ito. Sa iyo ako lumalapit ngayon upang magpahinga. Sa iyo nagpapakalong upang makatagpo ng kapanatagan ang aking loob. Sa iyo nagbubuntung-hininga upang magkaroon ng panibagong sigla sa buhay na ito.

balik calendario

Hulyo 18
Biyernes

Ika-15 Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Is 38:1-6, 21-22, 7-8
Ebanghelyo: Mt 12:1-8

Naglakad noon si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga. Nagutom ang kanyang mga alagad at sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. Nang mapansin ito ng mga Pariseo, sinabi nila kay Jesus: "Tingnan mo ang iyong mga alagad, gumagawa sila ng ipinagbabawal sa Araw ng Pahinga!"
Ngunit sumagot si Jesus: "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David noong magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal sa kanya o sa kanyang mga kasama na kainin ito liban sa mga pari. At hindi ba ninyo nabasa sa Batas na sa Araw ng Pahinga, walang pahinga ang mga pari sa Templo pero wala silang kasalanan dahil dito?
"Sinasabi ko naman sa inyo: Dito'y may mas dakila pa sa Templo. Kung nauunawaan ninyong talaga ang salitang ito, 'Awa ang gusto ko, hindi handog,' hindi sana ninyo hinatulan ang walang-sala.
At isa pa'y ang Anak ng Tao ang Panginoon ng Araw ng Pahinga."

Pagninilay-nilay
Hindi katulad ng Pasko na tuwing ika-25 ng Disyembre natin ipinagdiriwang ang Chinese New Year dahil hindi solar kundi lunar na kalendaryo ang sinusunod nito, gaya ng pagdiriwang natin ng Pasko ng Pagkabuhay na nag-iiba ng petsa taun-taon. Kaya may mga taon na natatapat ang pagdiriwang ng Lunar New Year sa araw ng Miyerkules ng Abo, na araw ng ayuno at abstinensya. Ano ngayon ang gagawin ng mga Katolikong Intsik sa araw ng pinakamalaki nilang piyesta? Magpapakagutom ba sila at hindi kakain ng karne? Sa gayong pagkakataon, idinedeklara ng Diyosesis ng Macau na walang ayuno at abstinensya kahit na Miyerkules ng Abo dahil Bagong Taon.

balik calendario

Hulyo 19
Sabado

Ika-15 Linggo ng Taon
Romualdo

Unang Pagbasa: Mik 2:1-5
Ebanghelyo: Mt 12:14-21


Pagkalabas ng mga Pariseo, nag-usap-usap sila kung paano nila siya masisiraan. Nalaman ito ni Jesus kaya lumayo siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya. Pinagaling niya ang lahat ng maysakit ngunit inutusan niya sila na huwag siyang ipamamalita.
Kaya natupad ang sinabi ni Isaias, ang propeta:
"Narito ang utusan ko na aking pinili, ang mahal ko na siya kong kinalulugdan. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu at siya ang magpapahayag sa mga bansa ng aking mga pasya.
Hindi siya makikipagtalo o sisigaw, hindi maririnig sa mga liwasan ang kanyang tinig. Hindi niya babaliin ang sugatang tangkay o papatayin ang aandap-andap na mitsa. Hindi siya titigil hanggang magwagi ang katarungan. Ang kanyang pangalan ang inaasahan ng lahat ng bansa."

Pagninilay-nilay
Father Higante ang tawag sa kanya ng mga tao sa kanyang parokya at labis nga ang kanilang tuwa nang palayain si Fr. Giancarlo Bossi PIME ng mga kumidnap sa kanya sa Zamboanga. Sa kabila ng pakikipagtulungan ng Italya sa Pilipinas, at ng patuloy na pagdarasal ng mga tao, lalo na sa kanyang parokya sa Payao, Zamboanga, nanatili siyang bihag ng mga kidnaper. Ngunit noong Hulyo 20, 2006, pagkatapos ng 40 araw, dahil sa kung anong dahilan, pinalaya siya ng mga kumidnap sa kanya. Nakahinga nang maluwag ang mga taong nagmamalasakit kay Fr. Higante at nagluto naman ng spaghetti ang mga taga-Payao bilang pasasalamat sa kanyang paglaya.

balik calendario


Hulyo 20
Linggo

Ika-16 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Kar 12:13,16-19

Walang ibang Diyos liban sa iyo na nangangalaga sa lahat at dapat mong pangatwiranan tungkol sa iyong mga kapasyahan. Sa iyong lakas nagmumula ang iyong katarungan at sapagkat ikaw ang Panginoon ng lahat, mapapatawad mo ang lahat.
Ipinamamalas mo ang iyong lakas sa mga nag-aalinlangan sa ganap mong kapangyarihan at sinasasansala mo ang kapangahasan ng mga ayaw kumilala rito. Ngunit ikaw, Panginoong Makapangyarihan, humahatol ka nang matimpi at maingat kaming pinamamahalaan dahil sa nagagawa mo lahat kailanman mo man naisin.
Sa ganitong paraan itinuro mo sa iyong bayan na dapat maging maawain sa kapwa ang makatarungan; binigyan mo rin ng pag-asa ang iyong bayan sa pagkakaloob sa kanila ng pagkakataong makapagsisi sa kanilang mga kasalanan.

Slm 86:5-6, 9-10, 15-16
Ikaw ay butihin at mapagpatawad, O Panginoon.

Ikalawang Pagbasa: Rom 8:26-27

Gayon din naman, tinutulungan tayo ng Espiritu-mahina nga tayo. Para ano at paano tayo mananalangin? Hindi natin alam ngunit ang Espiritu ang sumasamo para sa atin sa paghibik na di kayang sabihin. At siyang sumusuri sa mga puso ang nakakaalam kung ano ang kalooban na niloloob ng Espiritu sapagkat ayon sa Diyos ang pagsamo ng Espiritu alang-alang sa mga banal.

Ebanghelyo: Mt 13:24-43*

Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. "Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis.
Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: 'Ginoo, di ba't mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?'
Sinagot niya sila: 'Gawa ito ng kaaway.' At tinanong naman nila siya: 'Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?' Sinabi niya sa kanila: 'Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig."
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: "Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid.
Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki'y mas malaki ito sa mga gulay, at parang isang puno- dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito."
At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: "Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa."
Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: "Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig."
At pinaalis niya ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: "Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid." Sumagot si Jesus: "Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel.
Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!

Pagninilay-nilay
Talinhaga. Mga karaniwang salita ang bumubuo sa talinhaga ngunit higit pa sa karaniwang kahulugan ang nakapaloob sa mensaheng hatid sa atin nito. Hindi natin ito maiintindihan nang lubos kung babasahin lang nang literal ang talinhaga dahil higit pa sa nakasulat o sa sinasabi ng salita ang ipinahahayag ng kabuuan nito.
Ganito ang mga talinhagang ipinahahayag ni Jesus sa atin. Mula sa literal na pag-unawa natin dito, iugnay natin ang talinhaga sa ating buhay. Diskubrehin din natin hindi lamang kung ano ang kanyang sinasabi kundi pati ang hindi niya sinasabi sa talinhaga, at kung ano ang taliwas sa karaniwan.

balik calendario


Hulyo 21
Lunes

Ika-16 na Linggo ng Taon
Lorenzo ng Brindisi

Unang Pagbasa: Mik 6:1-4, 6-8
Ebanghelyo: Mt 12:38-42

Sinabi noon ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: "Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo." Sumagot si Jesus: "Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, liban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao.
"Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito'y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito'y may mas dakila pa kay Solomon."

Pagninilay-nilay
Simpleng-simple ang naging buhay niya. Dalawampu't anim na taon siya nang mag-asawa at pitong anak ang kanyang inilagaan at pinalaki. At nang mabiyuda, sa tulong ng kanyang ina at mga kapatid, napapag-aral niya lahat ng kanyang mga anak. Nakaraos sila sa tulong at awa ng Diyos. Sa pag-aasawa ng kanyang mga anak, siya ang kanilang kasa-kasama at ang naging tagapag-alaga ng kanyang mga apo. Kahit na nga matanda na at hindi na kasinlakas noong mga anak pa niya ang kanyang inaalagaan, wala pa ring tigil ang kanyang pagkalinga hanggang sa pagyao niya nang pitumpung taon.
May hihigit pa bang tanda ng pag-ibig ng Diyos sa buhay ng isang ina?

balik calendario


Hulyo 22
Martes

Ika-16 na Linggo ng Taon
Maria Magdalena

Unang Pagbasa: 2 Cor 5:14-17
Ebanghelyo: Jn 20:1-2, 11-18

Pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus.
Sinabi niya sa kanila: "May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay."
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus.
Sinabi sa kanya ng mga iyon: "Ale, bakit ka umiiyak?" Sinabi niya sa kanila: "May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay." Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Ale, bakit ka umiiyak? Sino'ng hinahanap mo?" Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: "Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n'yo sa akin kung saan n'yo siya inilagay at kukunin ko siya."
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Maria!" Pagkaharap niya'y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: "Rabbouni!" (na ibig sabihi'y Guro).
Sinabi sa kanya ni Jesus: "Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: 'Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.'"
Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: "Nakita ko ang Panginoon." At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya."

Pagninilay-nilay
Maraming haka-haka tungkol kay Maria Magdalena-na siya raw ang babaeng nahuli sa akto ng pakikiapid ayon sa Ebanghelyo, o dati raw siyang prostitute, at kung anu-ano pa. May mga nagsasabi pa na naging asawa raw siya ni Jesus at nagkaroon sila ng anak. Pero ano nga bang talaga ang totoo?
Kung hindi tayo magkasundo sa ibig sabihin ng kakaunting bagay na isinulat tungkol sa kanya, gaano pa ang mga kurukuro na wala namang anumang matatag na nasusulat na ebidensiya? Ang teksto lamang ng Ebanghelyo ang meron tayo at sinasabi dito na sa kanya unang napakita ang Jesus na Muling Nabuhay at siya ang unang isinugo upang ibalita ang Kanyang Pagkabuhay.

balik calendario


Hulyo 23
Miyerkules

Ika-16 na Linggo ng Taon
Brigida

Unang Pagbasa: Jer 1:1, 4-10
Ebanghelyo: Mt 13:1-9

Nang araw ding iyon, umalis sa bahay si Jesus at naupo sa may dalampasigan. Ngunit maraming tao ang nagtipon sa paligid niya kaya sumakay siya at naupo sa bangka samantalang nakatayo naman sa pampang ang mga tao. At marami siyang ipinahayag sa kanila sa tulong ng mga talinhaga.
At sinabi ni Jesus: "Lumabas na ang maghahasik para maghasik.
"Sa kanyang paghahasik, may ilang butong nahulog sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at kinain ang mga iyon.
"Nahulog naman ang ibang buto sa batuhan at mababaw ang lupa roon. Madaling tumubo ang mga buto dahil hindi malalim ang lupa. Ngunit pagsikat ng araw, nasunog ito sa init at sapagkat walang ugat, natuyo ito. Nahulog ang iba pang buto sa mga tinikan. At nang lumago ang mga tinik, sinikil ng mga ito ang halaman. Nahulog naman ang iba sa matabang lupa at namunga: nagbunga ng sandaan ang iba, animnapu naman ang sa iba, at tatlumpu ang iba pa. Makinig ang may tainga!"

Pagninilay-nilay
Wala siyang planong magmisyon sa Japan pero kinailangan niyang tumakas dahil pinagbintangan siya sa pagpatay sa isang Kastila. Kaya iniwan niya ang kanyang asawa at mga anak, at sumama sa mga Dominicano na papunta noon sa Japan noong Hunyo 1636.
Iisang buwan pa lamang sila sa Japan nang hulihin sila kasama ng iba pang mga Kristiyano. Ilang beses siyang hinimok ng mga bumihag sa kanila na talikuran ang pananampalataya para maligtas dahil hindi naman siya pari, pero sinabi niyang "Ibibigay ko pa rin sa Diyos libo mang buhay kung meron ako." Ganito namunga kay San Lorenzo Ruiz ang inihasik ng Panginoon.

balik calendario


Hulyo 24
Huwebes

Ika-16 na Linggo ng Taon
Sharbel Makhlouf

Unang Pagbasa: Jer 2:1-3, 7-8, 12-13
Ebanghelyo: Mt 13:10-17

Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong: "Bakit sa pamamagitan ng mga talinhaga ka nagsasalita sa kanila?"
Sumagot si Jesus: "Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga lihim ng kaharian ng Langit, ngunit hindi sa kanila. Sapagkat ang meron ay bibigyan pa at sasagana pa siya. Ngunit ang wala ay aagawan pa ng nasa kanya na. Kaya nagsasalita ako sa kanila nang patalinhaga sapagkat tumitingin sila pero walang nakikita, nakaririnig sila pero hindi nakikinig o nakakaunawa.
"Sa kanila natutupad ang mga salita ni Propeta Isaias: 'Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo nakakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo nakakakita.'
"'Pinatigas nga ang puso ng mga taong ito. Halos walang naririnig ang kanilang mga tainga at walang nakikita ang kanilang mata. At baka makakita ang kanilang mata at makarinig ang kanilang tainga at makaunawa ang kanilang puso, upang bumalik sila at pagalingin ko sila.
"'Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.'
"Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig."

Pagninilay-nilay
Para sa iyo na tumanggap sa tawag ng Diyos, mauunawaan mo ang mga bagay na para sa marami'y walang kahulugan. Magtiyaga ka lamang at magpakatatag sa pagsunod sa Panginoon dahil siya mismo ang tatanglaw sa iyong isipan. At dito at ngayon nagsisimula ang pamumuhay natin at pagsunod sa kanya.
Huwag nating akalain na kabilambuhay lamang ang ibig sabihin ng kaharian ng Langit. Sa mundo nating ito at sa ating panahon mismo nagsisimula ang kaharian ng Diyos dahil para sa mga Judio nang panahong iyon, ang Diyos din ang tinutukoy ng salitang "langit." Nagpakatao ang Anak ng Diyos upang pasinayaan ang paghahari ng Diyos sa piling natin.

balik calendario


Hulyo 25
Biyernes

Santiago, Apostol

Unang Pagbasa: 2 Cor 4:7-15
Ebanghelyo: Mt 20:20-28

Lumapit kay Jesus ang ina nina Jaime at Juan kasama ng dalawa niyang anak, at lumuhod sa harap niya para makiusap. Tinanong siya ni Jesus: "Ano ang ibig mo?" At sumagot siya: "Narito ang dalawa kong anak. Iutos mong maupo ang isa sa iyong kanan at ang isa naman sa iyong kaliwa sa iyong Kaharian."
Sinabi ni Jesus sa magkapatid: "Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinom ba ninyo ang kalis na iinumin ko?" Sumagot sila: "Kaya namin." Sumagot si Jesus: "Totoong iinom din kayo sa aking kalis ngunit wala sa akin ang pagpapaupo sa aking kanan o kaliwa. Para sa mga hinirang ng Ama ang mga lugar na iyon."
Nang marinig ito ng sampu, nagalit sila sa magkapatid. Kaya tinawag sila ni Jesus at sinabi: "Alam ninyo na sinusupil ng mga naghahari ang kanilang mga bansa at inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Hindi naman ganito sa inyo: ang may gustong maging dakila, siya ang maging lingkod ninyo; ang may gustong mauna sa inyo, siya ang maging alipin ninyo. Gayundin naman, dumating ang Anak ng Tao hindi para paglingkuran kundi para maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang pantubos sa marami."

Pagninilay-nilay
Paano ba maging lider? Pagiging lider ba ang pagpapasunod at pagdidikta sa iyong mga pinamumunuan? Maituturing bang mga lider ang mga pulitikong nakikipagkamay sa mga tao at dumadalaw sa mga liblib na lugar at nangangako ng kung anu-ano sa mga tao sa panahon ng eleksyon, at pagkatapos mahalal ay wala nang pakialam dahil mga opisyal na sila? At paano naman ang mga lider sa Simbahan?
"Public servant" ang tawag natin sa kanila sa Ingles-"lingkod (o utusan) ng sambayanan." Nanatili sa ating salita ang pakahulugan ni Jesus sa pagiging lider pero sayang dahil hanggang sa salita na lamang marahil ito.

balik calendario


Hulyo 26
Sabado

Ika-16 na Linggo ng Taon
Joaquin at Ana, Mga Magulang ng Mahal na Birheng Maria

Unang Pagbasa: Sir 44:1, 10-15
Ebanghelyo: Mt 13:16-17


Sinabi ni Jesus, "Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig.
"Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig."

Pagninilay-nilay
Ayon sa tradisyon at hindi mula sa Biblia na Joaquin ang lolo ni Jesus at Ana naman ang kanyang lola. Walang nakaaalam kung ito talaga ang mga pangalan ng ama at ina ni Maria. Puwede rin nating isama rito ang mga lolo at lola ni Jesus kay Jose…
Pero hindi mga pangalan ng mga ninuno ang talagang mahalaga sa paggunita sa kanila sa araw na ito kundi ang pag-alaala sa katotohanang naging tao at nagpakatao ang Diyos. Hindi siya nagkatawang-tao dahil talagang naging tao siyang totoo at hindi sa katawan lamang. At mapalad tayo dahil bahagi tayo ng kasaysayang ito.

balik calendario


Hulyo 27
Linggo

Ika-9 na Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: 1 H 3:5,7-12

Kinagabihan, nagpakita si Yawe kay Solomon sa Gibeon sa panaginip at sinabi ng Diyos: "Hingin mo ang gusto mong ibigay ko sa iyo."
Sinabi ni Solomon: "At ngayon, O Yaweng aking Diyos, pagpalain mo ang iyong lingkod bilang kahalili ni David na aking ama bagamat ako'y maliit na bata lamang at walang alam gawin.
"Ang iyong lingkod ay nasa piling ng iyong bayang pinili, bayang dakila at hindi mabilang sa dami. Kaya pagkalooban mo ang iyong lingkod ng pusong maunawain para pamunuan ang iyong bayan at para mapagpasyahan ko ang mabuti at masama. Sapagkat sino ang makapamumuno sa ganito kalaking bayan mo?"
Nasiyahan ang Panginoon at ang bagay na ito ang hiniling ni Solomon. At sinabi sa kanya ng Diyos: "Dahil ito ang iyong hiniling at hindi mahabang buhay o mga kayamanan para sa iyong sarili, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi pagkaunawa ang hiningi mo para mapagpasyahan kung alin ang tama, ipagkakaloob ko ang iyong hinihiling. Binibigyan kita ngayon ng pusong marunong at mapagsuri kaya wala kang makakatulad sa mga nauna sa iyo at wala nang lilitaw pang tulad mo sa mga susunod sa iyo."

Slm 119:57, 72, 76-77, 127-128, 129-130
Mahal ko ang iyong kautusan, O Panginoon.

Ikalawang Pagbasa: Rom 8:28-30

Alam natin na ginagamit ng Diyos ang lahat para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, na tinawag niya ayon sa kanyang pasya. Ang mga nakilala niya'y itinalaga niya na maging kawangis at kalarawan ng kanyang Anak upang maging panganay siya sa maraming magkakapatid. At pagkatalaga niya sa kanila, tinawag din niya sila; at pagkatawag sa kanila, pinaging-matuwid niya sila; at pagkabanal niya sa kanila, niluwalhati niya sila.

Ebanghelyo: Mt 13:44-52

Sinabi ni Jesus: "Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.
"Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.
"Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin."
At itinanong ni Jesus: "Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?" "Oo," ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: "Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya."

Pagninilay-nilay
Kaharian. Wala sa ating kamalayan kung ano talaga ang kahulugan ng pagkakaroon ng hari dahil labas ito sa ating karanasan. At kung babalikan natin ang ating kasaysayan, makikita nating mas kaugnay ng pananakop ng Kastila ang pagkakaroon ng hari-ang hari ng Espanya.
Sa Biblia, ang kaharian ni David ang agad na naiisip ng mga tao pagkarinig nila sa sa-litang kaharian kasabay ng pag-asang muli silang lalaya at magkakaroon ng sarili nilang kaharian. Ngunit higit pa rito ang tinutukoy ni Jesus sa pamamahayag niya ng kaharian ng Diyos, higit pa ito sa maaaring ilarawan ng salita ng tao kaya gumagamit siya ng mga talinhaga.

balik calendario


Hulyo 28
Lunes

Ika-17 Linggo ng Taon

Unang Pagbasa: Jer 13:1-11
Ebanghelyo: Mt 13:31-35


Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: "Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid.
"Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki'y mas malaki ito sa mga gulay, at parang isang puno-dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito."
At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: "Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa pampaalsang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa."
Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: "Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig."

Pagninilay-nilay
Isang "bibingkera" lang ang pinupuntahan ng aking ina dahil espesyal ang kanyang bibingka. Hindi siya gumagamit ng baking powder bilang pampaalsa kundi lumang kanin ang inihahalo niya sa galapong para paalsahin iyon. Ganito rin ang ginagamit na pampaalsa sa panahon ng Biblia at hindi tulad ng nabibili nating yeast ngayon. Tuwing magluluto ng tinapay, nagtitira sila ng masa mula sa masa ng hinurnong tinapay at iyon ang nagsisilbing pampaalsa.
Gayon din naman, kailangang panatilihin nating pampaalsa sa masa ang gawi ng pamumuhay na minana natin sa ating mga ninuno sa pananampalataya at huwag natin itong hayaang tumigas at wala nang pagbabago.

balik calendario


Hulyo 29
Martes

Ika-17 na Linggo ng Taon
Marta

Unang Pagbasa: Jer 14:17-22
Ebanghelyo: Mt 13:36-43

At pinaalis ni Jesus ang mga tao at saka pumasok sa bahay. Lumapit noon sa kanya ang kanyang mga alagad at nagtanong: "Ipaliwanag mo sa amin ang talinhaga ng mga trigo sa bukid." Sumagot si Jesus: "Ang nagtanim ng mabuting buto ay ang Anak ng Tao. Ang bukid naman, ang daigdig; ang mabuting buto, ang mga tao ng Kaharian; at ang masasamang damo, ang mga tauhan ng demonyo. Ang kaaway na naghasik sa kanila ay ang demonyo; ang pag-aani ay ang katapusan ng mundo, at ang mga manggagawa ay ang mga anghel.
"Kung paanong tinitipon ang masasamang damo at sinusunog sa apoy, ganito rin ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Ipadadala ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel at titipunin nila sa kanyang kaharian ang mga eskandalo at ang mga gumagawa ng masama. At itatapon ang mga ito sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng ngipin. At pagkatapos nito, magniningning ang mga makatarungan tulad ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may tainga!"

Pagninilay-nilay
Panginoon, bakit nananatiling may kasamaan sa mundo? Bakit matapos ng ginawa mong pagliligtas, marami pa ring ayaw tumanggap sa kagandahang-loob ng Diyos at nananatiling malayo sa iyong pagmamahal?
Iginagalang mo ang kalayaan ng tao at wala kang sinumang pinipilit sumunod sa iyong kalooban. Lubos din ang iyong pasensya sa bawat isa habang hinihintay mo ang pagkamulat namin at pagtanggap sa iyong Magandang Balita. Kung paanong abut-abot ang iyong pasensya sa akin, turuan mo akong magpasensya sa aking kapwa. Tulad ng iyong pag-unawa sa akin, turuan mo akong umunawa sa aking kapwa upang matanggap ko sila gaya ng pagtanggap mo sa akin.

balik calendario


Hulyo 30
Miyerkules

Ika-17 na Linggo ng Taon
Pedro Crisologo

Unang Pagbasa: Jer 15:10, 16-21
Ebanghelyo: Mt 13:44-46

Sinabi ni Jesus: "Naihahambing ang kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaliga-yahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid.
"Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas."

Pagninilay-nilay
Matatalinong negosyante ang mga taong binabanggit sa Ebanghelyo. Dahil alam ng nakadiskubre na may kayamanang nakabaon sa bukid, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian para mabili ang bukid, na sa totoo'y higit pa kaysa kanyang ibinayad. Gayon din naman ang naghahanap ng mamahaling perlas, ipinagbili rin niya ang lahat para mabili ang perlas na higit na malaki ang halaga sa kanyang puhunan.
Pag dating sa pagsunod sa Panginoon sa kaharian ng Diyos, hindi natin magawang ipagbili at iwan ang lahat dahil hindi pa natin nadidiskubre ang nakabaong kayamanan, hindi pa natin nakikita ang magandang perlas.

balik calendario


Hulyo 31
Huwebes

Ika-17 na Linggo ng Taon
Ignacio ng Loyola

Unang Pagbasa: Jer 18:1-6
Ebanghelyo: Mt 13:47-53

Sinabi ni Jesus: "Naihahambing din ang kaharian ng Langit sa malaking lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng kung anu-ano. Nang puno na ang lambat, hinila ito papunta sa pampang. At saka naupo ang mga tao at tinipon ang mabubuting isda sa mga timba at itinapon ang mga walang kuwenta. Ganito ang mangyayari sa katapusan ng mundo. Lalabas ang mga anghel para ihiwalay ang masasama sa mabubuti; at itatapon sila sa nagliliyab na pugon kung saan may iyakan at pagngangalit ng mga ngipin."
At itinanong ni Jesus: "Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?" "Oo," ang sagot nila. Kaya sinabi niya sa kanila: "Kaya bawat guro ng Batas na tinuruan tungkol sa Kaharian ay katulad ng ama ng tahanan na may tabihan, at laging may bago at luma sa tuwing kukuha siya."

Pagninilay-nilay
Natatandaan mo pa ba si Mr. So or si Miss Therefore? Sila ang mga titser natin na may kanya-kanyang paboritong salita sa kanilang pagtuturo habang binibilang naman ng mga estudyante kung ilang "so" o ilang "therefore" ang kanilang sinasabi sa loob ng isang oras. Bukod sa kanilang mga ekspresyon, iisa lang at pare-pareho ang kanilang itinuturo taun-taon kahit na nga iba na ang kanilang mga tinuturuan.
Iba naman para sa ating mga Kristiyano. Madiskubre sana natin na walang pagkaluma ang ating Panginoon; lagi siyang bago sa kabila ng kawalan niya ng pagbabago.

balik calendario


Copyright © 2008 by Claretian Publications
A division of Claretian Communications Foundation, Inc.
U.P. P.O. Box 4 Diliman, 1101 Quezon City, Philippines
Tel. (632) 921-3984 • Fax: (632) 921-7429 or 921-6205
Email: cci@claret.org